Grabe! Ano ba naman Ito?  

   


  Botante, Click mo ako!  


  Bored ka na ba?  

 
Darna!! Lipad tayo sa Iba naman.  


  Uh-oh, hep-hep...cool ka lang.  

 Don't forget to sign the Guestbook!  

  

BAKIT MAHALAGA ANG HALALAN SA TAONG SENTENYAL

danny.jpg (63000 bytes)
TINATAWAGAN ANG MGA MAKABAGONG BAYANI…
BAKIT AT PAANO MAKIKISANGKOT SA DARATING NA HALALAN

Kung ikaw ay isang botanteng walang balak makisangkot sa darating na halalan, o kaya’y nagbabalak pa lamang na huwag nakisangkot sa darating na halalan, inaanyayahan kitang pag-isipang muli ang iyong desisyon matapos basahin ang artikulong ito. Siyempre, nasa iyo pa rin ang huling pasya kung boboto ka nga o hindi.

Lubhang mahalaga ng darating na halalan, saang anggulo mo man ito tingnan. Maaari nating pag-usapan ang implikasyon ng pagkakatapat nito sa taon ng pagdiriwang ng sentenyal ng ating kalayaan mula sa mananakop na Kastila, o kaya’y sa nalalapit na pagpasok natin sa bagong milenyo. Maaari namang tingnan ito sa konteksto ng pagpapatuloy ng anumang pag-unlad na nasimulan ng patapos na administrayon.

Ang ipagdiriwang nating kalayaan sa taong ito ay natamo sa pamamagitan ng pagdanak ng dugo at pag-aalay ng buhay. Marami ang nangabuwal sa pakikipaglaban sa mga dayuhan. Ang anumang pakikipaglabang naganap ay sumiklab nang hindi na matiis ng ating mga ninunong Pilipino ang pang-aapi ng mga dayuhang mananakop. Ang kalayaang tinatamasa natin ngayon ay utang natin sa ating mga ninuno. Nararapat lamang, bilang pagtanaw ng utang na loob sa kanila, na pangalagaan natin ang kalayaang ito. At isang konkretong paraan, sa palagay ko, ng pagtanaw ng utang na loob ay pakikisangkot na darating na halalan.

Kung pag-iisipan natin nang maayos, ang darating na halalan sa Mayo 11 ay isang muling pakikibaka para sa kalayaan. Ngunit sa pagkakataong ito, ang ating katunggali ay hindi na mga dayuhang mananakop kundi mga sitwasyon at posibilidad na maaaring gumapos muli sa ating bayan. Sa pagkakataon ding ito, hindi na mga armas o sibat ang kainakailangang natin upang igupo ang ating katunggali, kundi ang ating isip at katawan. At ang resulta ng pagkatalo natin sa pakikibakang ito ay pambansang kaguluhan at higit na paglubha ng kalagayan ng ating bayan.

Anu-anong mga sitwasyon ang posibleng mangyari kung hindi tayo makikisang kot sa darating na halalan? Unang-una, maaaring manalo ang kandidatong hindi naman karapat-dapat manungkulan sa pamahalaan. May mga nagsasabing sayang lang ang boto mo kapag ibinoto mo ang kandidatong kahit magaling ay wala namang pag-asang manalo. Eh, siyempre, higit na malabong manalo ang magaling na kandidato kung marami ang hindi bumoto na boboto sana sa kanya, o kaya’y bumoto na lamang sa hindi gaanong magaling na kandidato ngunit may pag-asang manalo. Kaya nga kailangang bumoto tayo sa darating na halalan. At hindi lang basta bumoto, kundi bumoto sa tamang kandidato. Kapag nakaupo sa puwesto ang mga kandidating walang malasakit sa bayan, lalo na sa mga mahihirap, sila ang magiging mga makabagong mananakop na magpapahirap sa buhay ng mga mamamayan.

Ikalawang posibleng mangyari kung hindi tayo makikisangkot ay pambansang kaguluhan sa araw ng eleksyon at sa mga araw na kasunod nito. Hindi lingid sa ating kaalaman na halos palaging may dayaan sa ating mga eleksyon. Ang mga kandidatong nais manalo at takot matalo, at kinakabahang matalo kapag malinis at tapat ang halalan ay nandadaya na lamang upang manalo sila. Ito ang pangunahing sanhi ng kaguluhan. Maraming paraan upang mandaya ang mga kandidato: mula sa pagpapadala ng mga flying voters at ghost voters sa iba’t ibang mga presinto hanggang sa pagsasampa ng marami ngunit wala namang basehang protesta pagkatapos ng eleksyon

Kung sakaling magkaroon nga ng kaguluhan sa araw ng eleksyon at sa mga susunod na araw kasunod nito, maaaring magdeklara ang COMELEC ng failure of election. Ibig sabihin nito, dahil sa kaguluhang nangyari, para na rin nilang ipawawalambisa ang eleksyon. Magpapatuloy sa puwesto ang kasalukuyang pangulo at maaari siyang magdeklara ng national state of emergency. Ito ang kinatatakutan ng marami na pasimula ng isa na naman ng martial law. At para sa mga taong hindi masaya sa pamamalakad ng kasulukuyang pamahalaan, sasabihin nilang "patuloy na maghihirap ang mga mahihirap at yayaman pa ang mga mayaman na."

Kung hindi nga tayo makikisangkot sa darating na halalan, maaaring maganap ang isa o lahat sa mga sitwasyong ito. Kaya’t lubhang mahalaga at kinakailangan ang ating pakikisangkot sa darating na halalan, sa anumang paraang sa tingin natin ay nararapat at makakayanan natin. Narito ang ilan sa mga posibleng paraan ng pakikisangkot:

Una at pinakamahalaga sa lahat, bumoto, at bumoto sa nararapat na kandidato. Alam na marahil natin na ang pagboto ay isang sagradong karapatan at tungkulin natin bilang mamamayang Pilipino.

Pag-volunteer sa inyong lokal na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV). Tiyak na nangangailangan sila ng mga tao para sa pagbabantay sa mga presinto sa inyong lugar sa araw ng eleksyon.

Pagtulong sa mga voters’ education program. Makipag-ugnayan sa mga grupong nagsasagawa nito sa inyong lugar.

Pagbibigay bilang donasyon ng mga meryenda at pagkain sa mga guro na manunungkulan bilang tagabantay at tagabilang ng mga boto.

(Para sa hindi na gaanong malakas para sa lubhang nakapapagod na trabaho tulad ng pollwatching) Pag-aalay ng mga panalangin sa araw ng eleksyon. Ito ang tinatawag na prayer warriors. Nananatili sila sa loob ng simbahan sa buong araw ng eleksyon upang magdasal.

Pagkumbinsi sa mga ayaw makisangkot na makisangkot sa darating na eleksyon sa anumang paraang nais nila.

Tiyak na marami ka pang ibang naiisip na paraan upang makisangkot upang maging maayos at malinis itong napakahalagang elekyon sa taong ng sentenyal ng ating kalayaan. Hindi ba ito ang ating munting paraan upang tayo ay maging mga makabagong bayaning magtatanggol sa kalayaan ng ating bayan? Kung meron kang mga mungkahi, mangyari lamang ipadala sa address ng website na ito. 

News Opinions Voter's Education Election Facts Interactive Chapelnet Update About Us Photos

   lens.jpg (15783 bytes)CHAPEL NET
Christian Action for Peaceful and Meaningful Elections
Loyola School of Theology, Ateneo de Manila University, Quezon City
Tel. No. 924-4951 local 3588, Fax No. 924-4442
chapelnet@usa.net
©  Copyright Chapel Net All Rights Reserved 1998