Gabay-Dasal I: DANGAL NG TAO AT PAKIKIISA

I. Pambungad na Awit : (mungkahi: Pananagutan E. Hontiveros,SJ)

II. Pambungad na Panalangin:

Panginoon,
Madalas naming tinalikdan ang pangangailangan ng aming kapwa
Dahil sa aming pagiging makasarili.
Nabibigo kami sa pagsisikap naming abutin
Ang kaganapang siyang layunin ng Iyong paglikha sa amin.
Sa pamamagitan ng Iyong awa,
Nawa’y muli naming makamit ang mga biyaya
Na nawala namin dahil sa aming kawalang-ingat at kahangalan.

Habang kinikilala at tinatanggap namin ang aming pagiging makasalanan,
Ininatalaga namin ang aming sarili sa iyo
At nangangako kaming makikisangkot sa mga gawain,
Ng simbahan man o ng pamahalaan
Kung saan may kakayahan kaming tumulong
Sa pagpapabuti ng kalagayan
Ng mga naghihirap naming kababayan.
Buksan mo ang aming mga puso,
Samantalang muli naming pinagninilayan ang dahilan
Ng iyong paglikha sa amin sa iyong wangis at larawan. Amen.

III. Panimulang Paliwanag (5 Minuto)

Ang sesyon na ito ay naglalayong balikan (at baka para sa iba sa atin ay sa unang pagkakataon lamang) at tingnan ang katotohanan ukol sa tao. Pag-uusapan natin ang mga tanong tulad ng "Ano ba ang ibig sabihin ng "Tao"? Bakit napakahalaga ng Tao? Bakit kailangan nating igalang at ipagsanggalang ang dangal ng tao? Ano ang kaugnayan nito sa darating na eleksyon? Mas mahalaga rito kaysa sa mga bagong kaalaman o konsepto ukol sa paksa ang tugon ng mga nakikilahok: ang mas malalim na pagpapahalaga at paggalang sa dangal ng tao at pakikiisa.

Ang unang sesyon na ito ay naglalayong tugunan ang isang napakahalagang pangangailangan sa ngayon : ang pagtulong sa mga botante upang maghanda para sa darating na eleksyon sa Mayo 11, 1998. Karaniwang tinatawag na voters’ education ang gawaing ito. Ang gawaing ito ay iba sa karaniwang seminar ukol sa eleksyon kung saan sinasabi sa mga kalahok ang mga teknikal na aspeto ng eleksyon, maging ang mga isyu at impormasyon na kaugnay sa eleksyon.

Ang layunin ng sesyon na ito ay hindi lamang upang magbigay ng impormasyon sa mga kalahok. Bagkus, nilalayon ng sesyon na sa isang pananalangin ay mahipo hindi lamang ang isipan ng mga kalahaok kundi maging ang kanilang mga puso pati na rin ang buo nilang pagkatao. Naniniwala tayo na ang pag-aaral lalo na ukol sa mga pinakamahalagang isyu tulad ng pagpili ng wastong mga kandidato ay humubog sa mga isip at puso ng mga botante. Nilalayon din ng sesyon na ito na baguhin ang ating paningin sa eleksyon, na hindi lamang ito gawaing kailangang tapusin, kundi gawaing humihingi ng pakikisangkot na nararapat sa tao.

Alalahanin nating palagi na pagdarasal ang ating ginagawa sa sesyong ito at sa mga susunod pa. Magbabahaginan at magtatalakayan tayo ukol sa iba’t ibang uri ng impormasyon at kaalaman sapagkat kailangan natin ng sapat na datos upang makagawa ng tamang pasya. Ngunti hindi lamang tayo makikinig, magtatalakayan at magbabahaginan. Ang pinakalayunin natin ay tingnan ang mga bagay na ito sa tanglaw ng ating pananampalatayang Kristiyano, sa tulong ng Banal na Kasulatan, mga dokumento at turo ng Simbahan, at na ating sariling mga panalangin. Nagkatipon tayo bilang mga magkakaibigan sa pananampalataya, upang magdasal at magkaroon ng mas malalim na pag-unawa sa kalooban ng Diyos.

Biyayang hihingin sa Diyos : Ang makita at mapahalagahan natin ang ating dangal bilang tao-- isang buhay na patunay sa pag-ibig at awa ng Diyos sa bawat isa sa atin.

IV. Pagbasa at Pagninilay

A. Pagbasa sa Salita ng Diyos (Genesis 1:26-31). Basahin ng dahan dahan ang teksto. Susundan ito ng ilang mintuo ng katahimikan.

B. Ang dangal at pakikiisa ay ipinagkaloob sa bawat isa sa atin ng Diyos.

"Ang sangkatauhan, ang lahat ng lahi at ang bawat tao ay nilalang ng Diyos sa kanyang wangis at larawan. (Gen. 1:26-31) Nilalang tayo bilang isang pamilya ng sangkatauhan at bilang natatanging mga tao. (Jer. 18:1-6) Nilalang tayo upang magpuri, magbigay galang at paglingkuran ang Diyos, sa kanyang sarili at sa mga nilalang Niya sa kanyang wangis at larawan-- ang ating kapwa tao. Nilalayon ng pagpuri, paggalang at paglingkod na ito na higit na makiisa ang lahat sa buhay maka-Diyos ng Ama, Anak at Espiritu Santo (Col. 1:15-20). Nakikibahagi tayo sa buhay ng Diyos, samantalang nakikiisa tayo sa ating kapwa tao at sa buong sangnilikha."

Ipinapahatid sa atin ng mga pangungusap sa ibaba ang tatlong mahahalagang katotohanan: (1) na ang bawat tao ay nilikha sa wangis at larawan ng Diyos; (2) na ang tao ay tinatawag ng Diyos na makiisa sa buhay na walang hanggan ng Ama, Anak at Espiritu Santo; (3) na pantay pantay ang ating dangal at ito nga ang nagpapahiwatig ng pangangailangan ng pakikiisa.

Nilikha ang tao sa wangis at larawan ng Diyos. Ito ay nanganga-hulugang ibinabahagi ng Diyos sa atin ang kanyang mga maka-Diyos na katangian tulad ng kagandahan, kabutihan, katarungan, pag-ibig at kalayaan. Ang Diyos ang kaganapan ng mga katangiang ito. Ngunit nilikha tayo ng Diyos sa pag-ibig. Kaya’t hindi lamang tayo nilikha ng Diyos, kundi niloob at minahal Niya pa tayo. Ang katotohang ito ang nagkakaloob sa atin ng dangal bilang tao. Ang dangal na bumubukal hindi sa gawa ng tao, kundi sa Diyos mismo. Ang anumang pananakit sa tao ay para na ring isang pananakit sa Diyos.

Tinawag sa personal na pakikipag-ugnayan sa Diyos. Ang pakikipag-ugnayang ito ay hindi isang sangkap na idinagdag lamang sa ating pagiging tao. Bahagi ito ng ating mismong pag-iral at pagkatao. Ibig sabihin, tayo ay likas na nakaugnay sa Diyos. Ang ating personal na bokasyon ay isang pakikiisa sa Diyos-- pakikiisang nagiging ganap kay Hesukristo. Sa kasalukuyang buhay sinisikap nating isabuhay ang pakikiisang ito ngunit magkakaroon ito ng kaganapan sa buhay na walang hanggan. Ang anumang sitwasyon o kilos ng pagkakasala ay humahadlang sa pagiging ganap ng bokasyong ito.

Pagkakaisa ng sangkatauhan. Sapagkat nilikha tayo ng iisang Diyos at sapagkat tinawag tayo sa iisang buhay na walang hanggan, tayong lahat ay may pantay pantay na dangal. Ang pantay na dangal na ito ang tumatawag sa atin sa pakikiisa sa bawat isa. Ibig sabihin, tayong lahat ay iisa dahil sa buklod ng paggalang, pag-ibig at paglilingkod. Hindi tayo binubuklod ng kung ano lamang na makataong layunin o damdamin. Ang "pakikiisa" ay isang taimtim at tumatagal na pagkabuong-loob na italaga ang sarili sa ikabubuti ng bawat isa at ng lahat, sapagkat sa katunayan ay may pananagutan tayo sa isa’t isa." (SRS 38) Ang pagkasakim sa kapangyarihan at kayamanan ay sumisira sa pagkakaisa ng sangkatauhan.

Karapatang pantao. Ang ating pagkatao ay pinagkalooban ng katuwiran at kalayaan. Ang dalawang ito ang nagbibigay ng pantay na dangal sa bawat tao. Sa pagkataong ito bumubukal ang karapatang pantao. Naniniwala ang Kristiyano na ang bawat tao ay nilikha sa wangis at larawan ng Diyos. Naniniwala rin siya na ang bawat tao ay tinawag upang maging ka-manlilikha sa pagpapaganap sa plano ng Diyos na palalimin ang batayan ng karapatang pantao. Kaya nga, ang paggalang at pagsanggalang sa dangal ng tao ay paggalang at pagsanggalang din sa karapatang pantao. Kabilang sa mga karapatang ito ay pansariling karapatan (kalayaan, pagboto ets.) at panlipunang karapatan (trabaho, pantay na sahod, edukasyon). Ang karapatan sa pagboto ay batayan ng karapatang pantao sapagkat kapag tayo ay bomoboto, ginagamit natin ang ating kalayaan at pag-iisip bilang mga tao.

V. Pagninilay at Pagbabahaginan (15 minuto ng pagninilay, susundan ng 20 minutong pagbabahaginan)

A. Mga Gabay na tanong:

1. May mga pagkakataon na ba na sinikap mong igalang at ipagsanggalang ang dangal at karapatan ng tao? Ibahagi mo ang karanasang ito sa grupo.

2. Ano ang mga kahirapang naranasan mo sa paggalang at pagsanggalang na ito (sa loob at labas ng iyong sarili)? Anong mga biyaya o aral ang natanggap mo sa karanasang ito?

3. Nakikita mo ba ang darating na eleksyon bilang hamon sa paggalang at pagsanggalang ng dangal at karapatang pantao? Bakit Oo o Hindi?

B. Basahin at pagnilayan ang alinman sa mga tekstong ito:

(Gen. 1:26-31; Salmo 139; Juan 1:1-18)

C. Pagninilay at Bahaginan

VI. Paglalagom (5 minuto)

Magbibigay ng paglalagom at tagapagpadaloy matapos makapagbahagi ang lahat. Ang pangunahing layunin dito ay tulungan ang mga kalahok na magkaraoon ng mas mamalim na pagpapahalaga sa dangal na tao at pakikiisa na nakaugat sa katotohanang ang lahat ay anak ng Diyos. Kung may mga kahirapan ang mga kalahok ukol sa mga paksang ito, kailangang harapin nang maayos at maingat. Isang hamon na tulad ng ganito ang maaaring iharap sa kanila: "Ngayong muli nating nakita ay naangkin ang ating halaga at dangal bilang mga tao at bilang lipunang nilikha, minahal at iniligtas ng isang tapat na Diyos, ano ang nararapat nating gawin sa darating an eleksyon?

VII. Para-Liturhiya ay Pangwakas na Gawain (15 minuto)

A. Ano ang gagawin: Pagsusunog ng mga papel na may sulat na panalangin.

B. Mga ihahanda : palayok, mga pirasong papel, lapis/bolpen, kandila ay posporo

C. Mga hakbang:

1. Ilagay ang palayok sa gitna ng bilog habang nagbabahaginan. Ilagay ang kandilang may sindi sa tabi ng palayok. Maaari ring maglagay ng krusipiho sa gitna ng bilog. Ang layunin ay mag-alay ng mga panalangin sa Diyos. Ang pagsusunog ng papel at pag-akyat ng usok ay sagisag ng pag-akyat ng ating mga panalangin sa harap ng Diyos.

2. Sisimulan ng tagapagpadaloy ang para-liturhiya sa pamamagitan ng panalangin. Maaaring isang simpleng panalangin ng pagpapasalamat o paghingi sa Diyos na tanggapin ang mga panalanging iaalay. Tandaan : idiin sa mga kalahok na kaugnay sa eleksyon ang mga hihingin nila sa Diyos.

3. Matapos ang panalangin, isa isang lalapit ang mga kalahok sa palayok para sa pagsusunog. Maaaring awitin ang isang awit ng pag-aalay habang nagsusunog.

4. Bilang pangwakas na panalangin, maaaring awitin ang "Ama Namin."

 


Gabay-Dasal II: ANG LIPUNANG PILIPINO

I. Pambungad na Awit: (mungkahi : Buksan ang Aming Puso Tinio/Hontiveros,SJ)

II. Pambungad na Panalangin:

Panginoon, parati mong pinagsisikapang ipahayag sa amin ang iyong pag-ibig.

Ngunit minsan, ang iyong pagpapahayag ay iba sa aming inaasahan.

Nang humingi kami ng pagkain, nagpadala ka ng mana.

Nang humingi kami ng maiinom, nagpadaloy ka ng tubig sa bato.

Nang humingi kami ng direksyon, ipinadala mo kay Moises ang batas.

At marami ka pang ibang ginawa.

Ngunit patuloy kaming lumayo, nagiging bulag at bingi sa iyong tawag.

Ngunit hindi ka nagsasawa sa amin.

Ipinadala mo ang iyong Anak na si Hesus,

Upang samahan kami sa pakikibaka at paglalakbay

Sa dilim ng gabi tungo sa bukang-liwayway ng bukas.

Sa pasimula ng ikalawang linggo ng aming pagdarasal,

Humihingi kami ng biyaya ng liwanag ng isip at pandama ng puso

Upang makita namin ang kalagayan ng aming bansa ayon sa iyong paningin,

Upang higit kaming makatugon sa iyong tawag

Na kami ay maging asin at ilaw ng mundo.

Humihingi rin kami ng malalim na pagtangis at pagkahiya

Dahil sa aming pagiging sanhi ng paghihirap ng marami sa aming kababayan.

III. Panimula (5 minuto)

Sa unang linggo ng ating pagdarasal, pinagnilayan at pinagbahaginan natin ang biyaya ng Diyos sa atin bilang mga tao. Muli nating natuklasan at inangkin na tayo nga ay nilikha na kawangis at kalarawan ng Diyos. Dahil dito, ang bawat isa sa atin, mayaman man o mahirap, ay mahalaga sa mata ng Diyos. Kinikilala nating likas sa ating pagkatao ang dangal na siyang bukal din ng ating karapatang pantao. Ang dangal na ito ang nagbubuklod sa atin bilang mga magkakapatid. Kaya, nararapat lamang na tayo ay magalak. Maging handa tayong ipagsanggalang ang ating mga karapatan kapag hinihingi ng pagkakataon.

Totoo at naniniwala tayo na ang bawat isa ay nakikiisa sa mga katangian ng Diyos tulad ng pag-ibig, kabutihan at iba pa. Ngunit marami pang ring mga tao ang hindi nakakaalam nito, kaya hindi nila iginagalang ang dangal ng kanilang kapwa. Hindi nakikita ng mga nagpapalaganap ng kawalang-katarungan na ang bawat tao ay anak ng Diyos. Yaon namang mga walang pakialam ay walang malasakit sa tunay na kalagayan ng ating bansa, lalo na sa mahihirap nating mga kababayan. Lahat tayo, sa iba’t ibang paraan at pagkakataon sa ating buhay ay naging mga tagapagpalaganap din ng kawalang-katarungan o kaya’y hindi nakialam at nanonood na lamang sa mga kahirapang dinaranas ng iba. Ang ganitong mga asal at pananaw ay hindi rin gumagalang at nagsasanggalang sa dangal at karapatan ng tao. Bagkus, sinisira nito ang tao at ang relasyon natin sa Diyos.

Biyayang hihingin: Ang biyaya ng liwanag ng isip at pandama ng puso upang makita natin at maranasan ang paghihirap at pagdurusa ng ating mga kababayan. Humingi rin tayo ng malalim na pagtangis at pagkahiya dahil sa ating pagiging sanhi ng paghihirap ng marami sa ating kababayan.

IV. Gawain ( 10 minuto)

A. Kontemplasyon. Anyayahan ang mga kalahok sa isang kontemplasyon. Ibigay ang mga hakbang bago magsimula at alamin kung may paglilinaw. Basahin nang malinaw at dahan dahan ang mga hakbang. (Ang bahaging ito ay para sa tagapagpadaloy.)

1. Inaanyayahan ko kayong maupo sa komportableng posisyon. Irelaks ang katawan. Ipikit ang inyong mga mata kung makatutulong at dahan dahang ipayapa ang sarili.

2. Habang nakapikit ang iyong mga mata, guni-gunihin na ikaw ay nasa isang lugar sa ating bansa kung saan mo naranasan ang paghihirap o pagdurusa na maaaring naganap sa iyo o sa iba. Makatutulong kung babalikan mo ang isang lugar at sitwasyong pamilyar na sa iyo.

3. Tingnan ang mga tao sa kanilang naghihikahos na kalagayan-- pangkat ng mga payat at marurusing na bata na namamalimos sa mga malalaking kalsada habang mabibilis ang takbo ng mga sasakyan; isang masaya ngunit napakahirap na pamilya sa isang barung-barong; isang payat na payat at mahinang-mahinang pasyente sa isang ospital na nais magsalita sa iyo ngunit walang katagang lumalabas sa kanyang bibig; galit na mga iskuwaters na minumura ang mga gumigiba ng bahay nila; isang buong pamilyang tumatangis dahil sa pagkamatay ng kanilang batang anak sa kamay ng mga nanggahasa; at maraming–marami pang iba. (Hindi kailangang banggitin ang lahat ng ito.)

4. Tingnan mo ang mga tao, ang mga lugar, ang mga sitwasyon. Tingnan nang maigi at masusi.

5. Subukan mong pasukin ang paghihirap ng mga taong ito. Maging sangkot ka sa sitwasyon. Damhin mo ang kanilang mga kalungkutan, pansinin ang lungkot o galit sa kanilang mga mukha at tinig. Pansinin din ang kanilang mga kilos at galaw na naglalarawan ng kanilang kalagayan.

6. Damhin mo ang kanilang mga hirap, sakit, galit, takot at iba pa.

7. Pakinggan din ang kanilang mga katuwaan, mga pangarap at lakas.

8. Samahan lamang sila sa kanilang sitwasyon habang nadarama mo pa ang pakikiisa sa kanila.

9. Ngayon ay bumaling ka sa Diyos at tanungin Siya kung ito nga ang nais niyang mangyari sa bansang ito. Makipag-usap ka sa Diyos. Kausapin mo siya na para bang siya ay isang matalik na kaibigan na nakakaalam sa lahat ng iyong nararamdaman at lahat ng nagaganap sa ibang tao.

10. Pakinggan ang mga sasabihin niya sa iyo. Ano ang sinasabi niya? Ano ang nais niyang gawin mo? Ituon ang iyong pansin sa pakikipag-usap sa kanya sa pamamagitan ng pananatili ng iyong katahimikan.

11. Pasalamatan ang Panginoon dahil sa pagkakataong danasin ang paghihirap ng maraming tao, sa pakikipagtagpo sa kanya at pakikipag-usap sa kanya.

12. Dahan dahan kang bumalik sa kasalukuyan.

B. Personal na Pagninilay at Bahaginan sa maliit na grupo (30 minuto)

1. Anong eksena ang napasukan mo?

2. Ano ang naganap sa kontemplasyon mo? Ilarawan ang nangyari?

3. Anong naramdaman mo?

4. Matapos mong makita ang nangyari at matapos makipag-usap sa Diyos, ano ang sinabi niya sa iyo?

5. Ano ang naging tugon mo sa kanya?

V. Paglalagom/ Pananalita (15-20 minuto)

Maaari nating tingnan ang mga problema ng ating bansa mula sa iba’t ibang punto de bista. Bagamat napapansin ng iba sa atin ang pag-unlad ng ekonomiya, marami pa rin ang magsasabi na napakakaunti ng nabago sa pamumuhay ng nakararami. May mga ekonomikong pag-unlad ngunit nararamdaman ba ito ng mga tao? Bagamat nais nating kilalanin ang mga pag-unlad sa lipunan, hindi natin maitatanggi na marami pa rin sa ating bansa ang naghihirap. Masalimuot ang problema ng kahirapan sa ating bansa. Hindi lamang iisa ang sanhi nito.

Ekonomiko. Sa unang bahagi ng Mga Dekreto ng Ikalawang Konsilyo Plenaryo sa Pilipinas (PCP II) makikita natin ang larawan ng paghihirap ng bansa. Lantad na lantad ang pahihirap at paghihikahos ng marami sa ating mga kababayan. Katapat nito ay ang kayamanan at kaginhawahang tinatamasa ng iilang pamilya, ang mga nasa itaas ng hagdan ng lipunan.

Ang paghihirap ng karamihan sa ating mga kababayan ay nakaugat sa katotohanang ang yaman ng bansa nay nasa kamay ng iilan lamang. Ang mahihirap na Pilipino ay naiiwan sa kakaunting sahod, kulang sa mga batayang pangangailangan, at wala o kakaunting pagkakataong umunlad. Isang halimbawa nito ang pagmamay-ari ng lupa. Ang isang mayamang hasyendero ay nagmamay-ari ng mataming libong ektarya ng lupa sa iisang probinsya lamang samantalang mas maraming libong mga iskwater ang wala kahit isang piraso ng lupa ng mapagtitirikan ng bahay. Ang buong sitwasyon na ito ng hindi pagkakapantay pantay ng pamamahagi ng yaman ng bansa ang pinaiiral ng mga mayayaman at ng mga kakutsaba nila sa di makatarungang estrukurang ekonomiko sa bansa.

Politikal. Sinasabi ng PCP II ukol sa kontekstong politikal : "Maging ang kapangyarihan ay maka-mayaman. Nasa iilang angkan nasiyang nananatili sa daigdig ng politika.

Ang ating problemang politikal ay nakaugat sa katotohanang ang kapangyarihang politikal ay nasa kamay ng iilang tao lamang, at karamihan sa mga ito ay tradisyunal na politiko (trapo). Sinasarili ng mga politikong ito ang kapangyarihan at hinahadlangan nila ang mga tao na makialam sa pagpapatakbo ng pamahalaan ng bansa. Hawak nila ang kapanyarihan at sinisira sila ng kapangyarihan. Hindi nila parating ginagamit ang kapangyarihang hawak nila upang maglingkod sa mga tao. Upang panatilihin ang kanilang sarili sa poder, bumubuo sila ng mga angkang politikal (politican dynasties). Ang mga angkang ito ang humahawak sa buhay poltikal, ekonomiko at kuktural ng bansa. Gumagawa rin sila at nagpapasa ng mga batas pabor sa kanilang mga layunin. Isang halimbawa nito ang pagtatangka ng ilang mga kongresista na baguhin ang ilang mga probisyon sa Konstitusyon upang manatili sila sa puwesto. Sa mga eleksyon, tinuturuan ng mga trapo na umasa na lamang sa kanila ang mga tao para sa mga materyal na pangangailangan upang hawak nila ang mga tao sa eleksyon.

Sosyo-Kultural. Ganito naman ang sinasabi ng PCP II ukol sa aspetong ito: "Posible na mas wastong sabihin na hindi ang mga mismong pagpapahalaga natin ang may pagkakamali kundi ang pagpapalabis sa mga maling paggamit sa mga ito. Pagkat dahil nga sa pagmamalabis at pag-aabuso sa mga ito bumubukal ang mga sakit ng ating lipunan. Halimbawa, samantalang pinapansin natin ang pangkalahatang kagandahan ng ating mga pagpapahalaga, tila yata mas may tuon ang mga ito sa maliliit na grupong kinabibilangan natin (pamilya, angkan ets.). Ang makitid na pagtuon na ito ang nagiging sanhi ng pagkakahati-hati nating mga Pilipino. Kulang ang mas malawak na pananaw na magbibigay pansin sa mas malawak na grupong ating kinabibilangan: ang bansa at ang mundo. May mga ilang hindi gaanong magandang pagpapahalaga natin tulad ng mentalidad na kolonyal, makalumang paningin samundo, pagtakas sa katotohanan ang nagiging hadlang sa ating pagkakaisa.

Sa panahon ng eleksyon, ang mga kandidato at botante ay humaharap sa tatlong tukso. Malaki ang papel ng kayamanan, kapangyarihan at katanyagan sa resulta ng halalang ito. Sa isang banda, may pagkiling ang mga botante na iboto (dahil na rin sa impluwnesiya ng iba) ang mga mayaman, mas sikat at mas makapangyarihang kandidato. Kaya hindi nakapagtatakang ang ating politika ay pinaghaharian ng mga mayaman, makapangyarihan at sikat maging sa pambansa o lokal na nibel. Sa kabilang banda, maraming mga kandidato ang tumatakbo upang mas maging mayaman, magkaroon ng mas malawak na kapangyarihan, at upang mas magingsikat. Ang suliraning ito ay hindi lamang personal na problema sa parte ng botante at bawat kandidato. Naging kultura na ito ng eleksyon sa ating bansa.

B. Mga Tanda ng Pag-asa

Hindi lahat ay kadiliman sa ating bansa. May liwanag na sumikat dahil sa unti-unting pagkawala ng gana ng mga tao sa namamayaning sistema ng lipunan. Sa larangan ng ekonomiya, may mga institusyon sa loob at labas ng pamalaan na naglunsad ng mga programa upang mapalawak ang mga pagkakataong umunlad ng mga mahihirap na mamamayan. Nagsilitaw ang mga kooperatiba, mga proyektong mapagkakakitaan, at mga maliit na negosyo sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Sa larangang politikal naman, ang mga mamamayan mismo ang namumuno sa mga kampanya ukol sa mga isyu tulad ng pagkakaroon ng malinis na halalan, isyu patungkol sa ekolohiya, karapatang pantao, pagkakapantay ng lalaki at babae at iba pa. Lumalaganag ang konsultasyon sa mga tao at mismong pakikilahok ng mga tao sa iba’t ibang sektor ng lipunan tulad ng simbahan, mga organisasyon sa labas ng pamahalaan (NGOs) at mga mangangalakal. Ang pagdami ng mga NGOs at mga organisasyong pantao (POs) ay konkretong tanda ng pag-unlad na ito. Sa larangang sosyo-kultural, isinulong ng iba’t ibang mga sektor at grupo sa lipunan ang pagpapanibagong moral ng mga kandidato, at iba pang kapaki-pakinabang na mga programa.

Maging ang ating mga eleksyon ay kakikitaan ng ilang mga tanda ng pag-unlad. Sa isang banda, marami nang mga botante ang umuunlad sa kanilang kamalayang politikal kaya’t tinatanggihan nila ang mga tradisyunal na politiko. Bagkus, kanila nang pinipili ang mga kandidatong may malinis na rekord at may matuwid na pamumuhay moral. Isa sa mga dahilan nito ang pagsisikap ng maraming botante na tumulong at magdaos ng mga voter’s education seminars. Aktibo ang Simbahang Katoliko sa kampanyang ito na matulungan ang mga botante upang maayos na makapili ng nararapat iboto. Sa kabilang banda, mas marami nang sumasali sa eleksyon mula sa mga batayang sektor ng lipunan. Ang mga kandidatong ito ang kilala bilang maka-tao, may pokus sa mga isyu at naglalayong maglingkod. Bagamat malayo pa ang sitwasyong ito sa tunay na ninanais natin para sa lipunang Pilipino, nagbibigay pa rin ito ng pag-asa at inspirasyon para sa mga kabataan ng ating bayan.

VI. Pagsusuri sa sarili at Panalangin ng bayan (20 minuto)

Matapos makinig sa maikling paglalahad ukol sa mga suliranin ng lipunang Pilipino, mahalagang bumaling nagyon ang mga kalahok sa kanilang sarili upang tanungin kung paano sila naging bahagi ng isang makasalanang sitwasyon. Mahalagang kilalanin at angkinin ng bawat isa na siya rin ay naging bahagi sa pagpapanatili ng sitwasyong ito, at na nararapat siyang maging malungkot at mahiya dahil sa pangyayaring ito. Kalakip ang ganap na pagpapakumbaba, ang mga kalahok ay taimtim na hihingi ng tawad para sa kanilang pagkakasala. Ang isang malinis na puso ang makapagpapataya sa isang tao upang makagawa ng isang bagay na ikalulutas ng mga problemang nabanggit.

1. Pagbasa ng Salita ng Diyos (Mateo 25:31-46 o Lukas 16:19-31) Marahang basahin at taimtim.

2. Manahimik nang sandali at hayaang pumasok sa inyong puso ang mga pagbasa. Pagkatapos ay tahimik na pagnilayan ang mga sumusunod na tanong:

a) Paano ako (bilang estudyante, guro, magulang at iba pa) naging bahagi ng sanhi ng maraming suliranin sa aking bansa at sa aking pamayanan. Tukuyin kung ikaw ba ay aktibong kasangkot sa sanhi o pasibong hindi nakikialam upang lutasin ang mga suliranin?

b) Ano ang nararamdaman ko ngayong nalaman ko na bahagi pala ako ng sanhi ng makasalanang sistema?

k) Makipag-usap sa Panginoon. Humingi ng tawad at maangako ng pagbabago.

3. Pag-aalay ng mga panalangin. Hikayatin ang bawat isa na manalangin sa Panginoon. Maaaring ipagdasal ang mga mahihirap sa bansa o magpasalamat at pagpuri sa Panginoon. (Paalala: Mahalagang tulungan ang mga kalahok na ibahagi sa pamamagitan ng panalangin ang kanilang kurukuro ukol sa kondisyong pangsosyal ng ating mga mamamayan.)

4. Pangwakas na panalangin: Isang panalanging naglalagom sa mga panalangin inihayag.

VII. Pangwakas na Awit: (mungkahi : Ama Namin)

 

 


Gabay-Dasal III: ANG SIMBAHAN AT POLITIKA

I. Pambungad na Awit (mungkahi: Panalangin sa Pagiging Bukas Palad Francisco, SJ)

II. Pambungad na Panalangin

Gambalain mo kami, Panginoon

Kapag labis kaming natutuwa sa aming sarili;

Kapag mga pangarap nami’y natutupad

Sapagkat kaunti lamang ang aming hinahangad;

Kapag maluwalhati naming naabot ang pampang

Sapagkat kaylapit ng aming nilayag.

Gambalain mo kami, Panginoon

Kapag dahil sa kalabisan ng aming pag-aari

Nawala ang aming pagkauhaw sa tubig ng buhay;

Kapag dahil sa pagkaakit sa panahon

Hindi na namin pinapangarap ang walang hanggan;

At ang aming pagsisikap magtayo ng isang bagong mundo

Ay nagpalabo sa Iyong pagtanaw para sa bagong langit.

Ibunsod mo kami, Panginoon

Upang buong tapang na maglayag sa mas malawak na dagat.

Doon ibubunyag ng mga unos ang iyong kapangyarihan.

Doon mawawala sa aming paningin ang lupa

Ngunit matatanaw naman namin ang mga tala.

Sa ngalan Niya

Na nagpalawak sa mga abot tanaw

Ng aming pag-asa’t pangarap

At nag-anyaya sa mga magiting

Na sa daan Niya ay tumahak. Amen.

III. Panimula (5 minuto)

Ito ang ating ikatlong sesyon. Sa unang sesyon, muli nating tinuklas ang dangal ng tao bilang batayan ng ating pag-ibig at pagmalasakit sa isa’t isa. Sa ikalawang sesyon naman, nagkaroon tayo ng pangkalahatang larawan ng sitwasyon panlipunan ng bansa. Nakita natin ang mga anino ng bansa sa tatlong larangan : ekonomiya, politika at kultura. Sa kabila ng mga kahirapan, alam nating ayon sa diwa ng sakramento, ang Diyos ay nasa lahat ng larangan ng ating buhay. Walang sulok sa ating buhay na hindi niya naaabot. Ano kaya ang sinasabi ng Diyos ukol sa kalagayan ng ating bansa? May hinihingi ba sa atin na magsikap para sa dagdag na paggalang sa dangal ng tao? Batay sa ating nakita noong isang linggo, ano ang hinihingi sa atin bilang Kristiyano? Ano ang nararapat na tugon ng isang Pilipinong Kristiyano bilang paghahanda sa darating na eleksyon. Ito ang paksa ng ating sesyon ngayon.

Biyayang hihingin: Ang higit na mapahalagahan at maunawaan ang misyon ng Simbahan sa kasalukuyang panahon, upang higit nating maranasan ang ating pagiging Simbahan; mamulat na tayo ay tinatawag upang maglingkod sa pag-ibig sa Diyos at sa kapwa.

A. Mga Paunang Paunawa:

Ilahad ang tanong na ito sa mga kalahok: Ano ang karaniwang sinasabi ng mga tao ukol sa Simbahan at politika? Ano ang sinasabi nila ukol sa ugnayan ng dalawa? Ang inaasahang sagot ay: na ang Simbahan ay dapat hiwalay sa politika.

Ito ang karaniwang pagkaunawa. Ngunit ano ang sinasabi ng pananampalataya ukol sa politika?

B. Pananalita (15-20 minuto)

1. Ano ang ibig nating sabihin ng Simbahan? Parati nating iniisip na ang Simbahan ay ang hirarkiya: ang Papa, mga obispo, at mga pari. Ngunit sa katunayan, ang Simbahan ay ang Bayan ng Diyos. 99% ng Simbahan ay binubuo ng mga layko. Kaya’t kapag sinasabi nating Simbahan, ang tinutukoy natin ay ang magkasamang hirarkiya AT mga layko.

2. Ang Simbahan sa mundo: Ang sinaunang pananaw ukol sa Simbahan noon ay nagsasabing hiwalay ito sa politika. Sa pananaw na ito, ang Simbahan ang lugar para sa personal na pagpapakabanal at biyaya, samantalang ang mundo ang lugar ng tukso at kasalanan. Kaya’t ang dapat gawin ay takasan ang mga tukso ng mundo at makialam lamang sa mga relihiyosong gawain ng Simbahan.

Nagbago ang lahat pagdating ng Ikalawang Konsilyo Batikano. Lumitaw ang isang bagong pananaw ukol sa Simbahan. Ang Simbahanay iba sa mundo, ngunit hindi hiwalay rito. Ang Simbahan ay nasa mundo, kaya sa halip na humiwalay rito, ang Simbahan ay nagsisikap makiisa sa mundo. Sinasabi ng Gaudium et Spes, (Konstitusyong Pastoral ukol sa Simbahan sa Makabagong Mundo) "Ang mga ligaya’t pangarap, mga ligalig at lungkot ng mga tao sa ating panahon, lalo na yaong mga nahihirapan, ang siya ring ligaya’t pangarap, ligalig at lungkot ng mga tagsunod ni Kristo. Ang anumang tunay na makatao ay palaging may bakas sa puso ng tagasunod kay Kristo."

(GS #1)

Kaya’t bilang mga Kristiyano, hindi nararapat na tumakas tayo sa mundo at maghanap ng ligtas at maginhawang mapagtataguan sa Simbahan. Bagkus, tinatawag tayo upang isabuhay ang ating pananampalataya sa mundo, at bahagi ng ating karanasan sa mundo ay ang maging bahagi ng isang sistemang politikal na tinatawag na demokrasya.

Sinasabi naman ng isang sulat ng CBCP ang ganito: "Ang Simbahan ay nakatalaga sa pakikiisa sa pagsisikap ng lipunang baguhin ang politika at linisin mula rito ang mga masasamang elemento sa pamamagitan ng paglikha ng kamalayan ukol sa mga sakit ng ating lipunan at sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga pagpapahalagang magagamit sa panlipunang pakikipagtalastasan."

C. Bakit kailangang makisangkot sa politika? (KAILANGANG pag-aralan nang husto ng tagapagpadaloy ang bahaging ito at ilahad nang hindi binabasa mula sa teksto.)

1. Karapatan at tungkulin natin ang makisangkot. Ang demokrasya ay isang pamahalaan ng mga tao, para sa mga tao, pinatatakbo ng mga tao. Ang bawat mamamayan ay may karapatang bomoto, at sa pamamgitan ng eleksyon ang pasya ng nakararami ang nasusunod.

Bukod sa pagtiyak na naririnig ang ating tinig sa pamamagitan ng pagboto, tungkulin din nating ipagsanggalang ang demokrasya. Ang sistemang demokrasya ay may silbi at epektibo lamang kung ito ay iginagalang; at kapag ang pagboto at bilangan ay isinasagawa nang maayos. Kaya nga tungkulin nating pangalagaan ang sistemang ito.

Ano ang sinasabi ng ating pananampalatay ukolsa politika? Ang sinabi ni Hesus: Hindi ko hinihinging alisin mo sila sa mundo, bagkus, na sila ay ipagsanggalang mo mula sa masama…Tulad ng pagsusugo mo sa akin sa mundo, gayon din isinusugo ko sila sa mundo." (Juan 17:15, 18) "Kayo ang asin at ilaw ng mundo." (Mateo 5:13-14).

Sinasabi ng Simbahan sa Christifidelis Laici (Sulat para sa mga Layko): "Upang matupad ang kanilang misyon ng pagpapasigla ng lipunan kay Kristo, hindi nararapat isuko o isa-isantabi ng mga layko ang kanilang pakikisangkot sa buhay publiko: sa mga larangan ng ekonomiya, kultura, lehislatibo, at iba pa. Lahat ng ito ay naglalayong isulong ang ikabubuti ng lahat." (CL 42)

2. Para sa mga Dukha. Kasali sa Simbahan ang lahat ng naniniwala kay Kristo, ngunit may natatanging lugar ang Simbahan para sa mga dukha. Madaling unawain ito sa konteksto ng Pilipinas. Sa bansang ito, kung saan ang nakararami ay dukha, alam natin sa pamamagitan ng ating pananampalataya na hindi kalooban ng Diyos na isa man sa kanyang mga anak ang magkulang sa mga batayang pangangailangan upang mabuhay nang marangal. May mga taong nakapamumuhay sa sarili nila; may mga tao namang hindi, katulad ng mga dukha. Kung pababayaan lamang sila, palagi silang nasa panganib na maapi at pagkaitan ng mga batayang pangangailangan sa buhay.

Kailangan nating makisangkot sa poltika upang magkaroon tayo ng mga mamumunong magsisikap para sa ikauunlad ng pamumuhay ng mga mahihirap. Ang mga pasyang may kinalaman sa buhay ng mga mahihirap ay ginagawa sa Malacañang, Kongreso at Korte Suprema. Kaya’t kailangang ilagay natin ang mga nararapat na tao sa mga lugar na ito. Sapagkat kung magkamali tayo, higit na yayaman ang mga mayaman at higit namang maghihikahos ang mga naghihikahos.

3. Para sa mas ganap na buhay Kristiyano. Marami sa ating ang nakatali pa sa lumang pananaw ukol Simbahan. Nais nating iligtas ang ating sarili sa pamamagitan ng pagtakas mula sa sitwasyon at hindi pakikialam sa mga makasalanang katotohanan sa mundo.

Ngunit ano ang sinasabi ng ating pananampalataya? Ganito ang sinasabi ni Obispo Ted Bacani: "Sinasabi ng ating pananampalataya na ang ating mundo ay galing sa Diyos. At kung galing ito sa Diyos, ito ay nasa Diyos. Sinasabi ni San Pablo: ‘Sa kanya tayo umiiral at sa kanya tayo nabubuhay.’ At dahil ang mundo ay nasa Diyos, may posibilidad na ibinubunyag nito ang presensiya Niya. Nakatago sa bawat bagay sa mundo ang presensiya at kayamanan ng Diyos. At balak niya ring iparating sa atin ang kanyang kayamanan sa pamamagitan ng mga bagay sa mundo.

Totoo. Makasalanan ang politika. Kaya’t nga’t nahadlangan ang pagpapahayag ng buhay at presensiya ng Diyos. Ngunit posible pa rin ang pagpaparating na ito. Hindi nararapat na iwan ang "transmission line" na siyang daan ng pagpaparating ng biyaya ng Diyos. Kapag nangyari ito, para na rin nating iniwan ang Diyos. Mas mapanganib yata kung iiwan ang mundo kaysa sa pasukin ito. Sinasabi ng Ika-2 Konsilyo Batikano sa Gaudium et Spes na napakalaki ng tungkulin ng mga layko sa mundo kaya nga’t inilalagay nila sa panganib ang kanilang kaligtasan kapag pinabayaan nila ang mga tungkuling ito. Kung nahadlangan na nga ang pagpaparating ng biyaya ng Diyos sa politika, kailangang linisin natin ito upang muling dumaloy ang biyaya ng Diyos sa pamamagitan nito. Sa ganitong paraan, maging ang politika ay magiging tanda at daan ng presensiya ng Diyos sa mundong ito."

D. Mga Gabay sa Pakikisangkot ng mga Katoliko at Krsitiyano sa Politika

Binigyang diin ng Ika-2 Konsilyo Plenaryo sa Pilipinas ang sumusunod na mga katotohanan upang gabayan ang pakikisangkot ng mga Kristiyano sa politika:

1. Ang pangunahing layunin sa pakikisangkot ay ang pagsisikap para sa ikabubuti ng lahat.

2. Ang pakikisangkot ay para sa pagsulong at pagtatanggol sa katarungan.

3. Ang pakikisangkot ay ginagabayan ng diwa ng paglilingkod.

4. Ang pakikisangkot ay nakatuon sa pag-ibig at pagtatangi sa mga dukha.

5. Ang pagkakaloob ng kapangyarihan sa mga tao ang layunin ng politika.

IV. Pagninilay (15 minuto)

Sa puntong ito, maglaan ng ilang panahon (15 minuto) ng katahimikan at pagdarasal para pagnilayan ang mga puntong ibinigay. Narito ang ilang mga katanungang maaring gamiting gabay:

1. Ano ang aking kasalikuyang pag-unawa sa Simbahan at sa aking pananampalataya? May pagbabago bang hatid ito sa aking buhay?

2. Handa ba akong makisangkot, at matatanggap ko ba ang pakikisangkot na ito bilang bahagi ng aking pagka-Kristiyano? Ano ang mga nakikita kong makasalanang aspeto ng politika sa Pilipinas?

3. Ano kaya ang mga hadlang sa pakikisangkot?

4. Ano ang mangyayari kung hindi ako nakisangkot? kung magkabilihan ng mga boto? kung hindi mabilang nang maayos ang mga btoto? kung malagay sa pwesto ang hindi karapat dapat? Kung walang makikipaglaban para sa mga mahihirap?

V. Bahaginan at Paglalagom (20-25 minuto)

Bigyan ang mga kalahok ng 20-25 minuto upang magbahaginan. Pumili ang bawat grupo ng tagapagpadaloy na siya ring mag-uulat sa malaking grupo pagkatapos.

Lagumin ang mga pagbabahagi sa sumusunod na punto : Sa Pilipinas, itinuturing na marumi ang politika at marami ang ayaw makisangkot. Para sa karamihan sa atin, hiwalay ang pananampalataya at buhay politikal. Maaari nating itong maunawaan ngunit malubha ang mga epekto nito. Ngayong nakita na natin ang kalagayang pambansa at ang wastong kaugnayan ng ating pananampalataya at buhay politikal, ang hindi pakikisangkot ay para na ring pagpahintulot sa umiiral na sistema. Hindi baga’t sa hindi natin pakikisangkot upang maging malinis ang politika, nakikibahagi tayo sa pagpapanatili sa di-makatarungang sistema? (Baka makatulong na banggitin ang pagkakaiba ng kasalanan ng paggawa [sin of ommission] at kasalanan ng di-paggawa [sin of omission]).

VI. Panalangin ng Bayan at Pangwakas na Panalangin

Anyayahan ang grupo na ibahagi ang kanilang mga panaalangin lalo na yaong may kaugnayan sa darating na eleksyon. Magwakas sa isang panalangin ng paghingi ng karunungang malaman ang tama, ng kaloobang piliin ito at ng lakas upang isakatuparan ito.

VII. Pangwaks na Awit (mungkahi: Panginoon, Narito Ako Isidro, SJ/Que, SJ)

 


Gabay- Dasal IV: PANGINGILATIS

Pambungad na Awit (mungkahi: Liwanag ng Aming Puso Tagle/Hontiveros,SJ)

II. Pambungad na Panalangin

Panginoon,

Sa gitna ng mga kaguluhan at unos na bumabagabag sa aming buhay,

Sa gitna ng pagpasok ng aming bansa sa bagong pamamahala,

Hinihiling naming makita ang iyong kalooban,

Nawa’y makatugon kami sa iyong tawag na maglingkod

Sa aming kapwa tao.

Ipagkaloob mo sa amin ang biyaya

Na maging bukas upang tanggapin ang ibibigay mo sa amin,

Na maging matapang upang isagawa ang nararapat,

Na maging matatag upang hindi magdalawang-isip sa aming pagsunod sa iyo.

Maramdaman nawa namin ang paggalaw ng Espiritu Santo,

Na siyang aming gabay at daan

Sa aming pagsisikap hanapin ang iyong kalooban. Amen.

III. Panimula

Sa mga nakaraang sesyon, nakita natin na ang ating pagiging tao at Kristiyano ang batayan ng ating pakikilahok sa mas malaking sabayanan. Nakita rin natin ang kasalukuyang kalagayan ng ating bansa, at ang kahalagahan ng darating na eleksyon sa hinaharap ng ating bansa. Nalaman din nating kailangan nating tumugon bilang mga Kristiyano sa sitwasyong ito.

Sa gitna ng lahat ng ito, ano ang susunod nating gagawin? Matapos malaman ang ukol sa dangal ng tao at sa pangangailangan ng ating maka-Kristiyanong tugon, paano tayo gagawa ng isang Kristiyanong pasya? Ito ang tanong na pagsisikapan nating tugunan sa sesyong ito. Isa itong panimula sa Krsitiyanong pangingilatis, na tinatawag sa Ingles na Christian Discernment. Nakapaloob dito ang mga batayang impormasyong makatutulong sa isang Kristiyano sa kanyang pagpasya ukol sa kanyang pakikisangkot sa eleksyon.

Biyayang hihingin: Ang biyaya ng pangingilatis--  na sa paggabay ng Espiritu, makatugon tayo nang sapat at nararapat sa tawag ng Diyos ukol sa mga pasyang gagawin natin sa eleksyong ito. At palagi nawa nating hanapin ang kalooban ng Diyos sa anumang ating gagawin.

IV. Pambungad sa Pananalita

Tanungin ang mga kalahok: Sino sa inyo ang nakaranas nang gumawa ng isang napakahalagang pasya? Ano ang pasyang iyon? Bakit mahalaga ang pasyang iyon? Paano ka gumawa ng pasya? Anong mga bagay ang isinaalang-alang mo sa iyong pagpapasya?

Hayaang magbahagi ng kanilang karanasan ang ilang sa mga kalahok. Tiyaking malinaw ang sagot nila sa mga tanong. Pagkatapos ng bahaginan, bigyang diin ang mahahalagang bagay na binanggit nila ay iugnay ito sa iyong pananalita (hal. ang kahalagahan ng panalangin, ng paglikom ng mga datos, ng pagkonsulta sa mga eksperto atbpa.) Bigyang diin din ang kahalagahan ng proseso ng pagpapasya na singhalaga ng resulta ng pagpapasya.

Dalawa ang punto ng gawaing ito. Una, na ipamulat sa mga kalahok na bagamat ang pangingilatis ay tila isang teknikal na kataga, ang karamihan sa kanila ay gumagawa na nito sa araw-araw. Ikalawa, na gamitin ang mga datos na ibinigay ng mga kalahok mismo upang talakayin ang paksa.

V. Pananalita (20 minuto)

Ano ang pangingilatis? Ang pangingilatis ay paggawa ng pasya, ng pagpili sa dalawang tila parehong mabuting bagay. Ito ay isang proseso ng paghahanap kung ano nga ba ang kalooban ng Diyos sa isang sitwasyon. Kung gayon, ito ay pagpili kung ano ang higit na makapagpapalapit sa atin sa Panginoon. Ang Diyos ang sentro ng pagpapasyang ito. Ipinagpapalagay nito na nagpasya na ang nangingilatis na gagawin niya ang tama, at malakas ang kanyang pagnanasang gawin ito. Kung gayon, ang pangingilatis ay hindi pagpili sa gitna ng mabuti at masama.

Bakit ito mahalaga? Ang buhay ay parating isang proseso ng pagpapasya. Sa iba’t ibang larangan ng ating buhay nagsasagawa tayo ng pagpapasya. Sa larangang personal, ang mga pasyang ginagawa natin ay "Ano ang aking isusuot o pag-aaralan?" Ang papasya ukol sa bokasyon ay nasa larangang personal din. Maaari, halimbawa, na sundin ng isang tao ang ilang mga prinsipyo sa buhay o kaya magpatangay na lamang.

Maaari nawang isagawa ng isang pangkat ang isang pasya. Binubuo ang pangkatang pasyang ito ng mga personal na desisyon ng mga kasapi ng pangkat. Mahalaga ang anumang pangkatang pasya (communal discernment) sapagkat may epekto ito sa buhay ng pamayanan o ng bansa. Samakatuwid, ang pagsagawa ng mga pangkatang pasya tulad ng pagpili ng mga mamumuno ay isang napakahalagang gawain na hindi dapat isaisangtabi na para bagang wala itong halaga. Hindi maaaring bara-bara lamang ang pagpapasya. Kailangan dito ang paglikom ng mga impormasyon, masusing pagninilay at pag-aaral, at mapanalanging pagtitimbang ng mga datos, upang sana’y mahayag ang kalooban ng Panginoon. Ito ang prosesong dinadaanan ng isang nagingilatis.

Ang pangingilatis ang paraan ng Kristiyano upang hanapin ang kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ng prosesong ito, nagiging mas matalas ng pakiramdam at pandinig ng tao sa tinig ng Diyos. Kaya’t sa pangingilatis, nakikita natin kung saan tayo tinatawag ng Diyos upang maglingkod at kung paano natin Siya paglilingkuran.

Ang Proseso ng Pangingilatis:

a) Panalangin. Panalangin ang tuntungan ng pangingilatis. Ito ang pagkakaiba ng bara-barang pagpapasya at pangingilatis. Ang pangingilatis ay isinasagawa sa konteksto ng panalangin. Hindi matatawag na pangingilatis ang prosesong ito kung hindi sinasabayan ng panalangin.

b) Pagtukoy sa mga Mapagpipilian. Pumipili ang nagingilatis sa dalawang mabuting bagay. Ang masama ay hindi kasama sa pagpipilian, sapagkat gaya ng nabanggit kanina, ipinapalagay na ang nangingilatis ay napasya nang gawin ang mabuti. Maaaring mangilatis ukol sa kung sinong kandidato ang pipiliin o kung magbabantay ba sa presinto o hindi. Hindi nangingilatis ang isang tao kung mandaraya ba siya o hindi sapagkat lantarang masama ang pandaraya.

k) Paglikom ng mga Datos ukol sa mga Pagpipilian. Ang pangingilatis ay isinasagawa nang may ganap na kaalaman ukol sa lahat ng mapagpipilian. Hindi lamang basta bara-bara ang pangingilatis, tulad ng nasabi na kanina. Kasama sa hakbang na ito ang pagtitimbang sa mga bentaha at disbentaha kung pipiliin mo ang isa o ang iba. Kung ang gagawin mo ay pangingilatis ng mga katangian ng kandidato, kailangang malaman ang sumusunod na impormasyon ukol sa kanya: mga personal na katangian (sino ba ang kandidato?), ang programa ng kanyang pamamahala (ano ang mga inaninindigan niya?), ang kanyang rekord (ano ang kanyang mga nagawa?), ang mga dahilan kung bakit hindi siya nararapat (ano ang mga kapintasan/ pagkukulang niya?) (Para sa dagdag na paliwanag ukol sa mga batayang-katangian ng CBCP, sumanguni sa Voters’ Education Manual for the 1998 elections, Simbahang Lingkod ng Bayan, 1997.) Kung ukol naman sa pagboluntaryo para maging pollwatcher o tagabilang mga boto, kailangang alamin ang mga impormasyon tulad ng mga iskedyul ng seminar, listahan ng mga trabaho at iba pa.

d) Timbangin ang mga dahilan at magpasya. Kapag nakalikom ka na ng sapat na impormasyon ukol sa bawat mapagpipilian, kailangang tukuyin ang mga argumento para at kontra sa bawat mapagpipilian. Timbangin ang mga dahilan. Hindi naman ito nangangahulugang yaong mas maraming dahilan ang pipiliin. Ang sukatan sa pangingilatis ay ang kung alin ang mas mabuti. Maaaring sabihin na ito ay para sa higit na ikaluluwalhati ng pangalan ng Diyos. Samakatuwid, hindi lamang isip ang ginagamit sa pangingilatis.

Mahalaga at kailangan ang panalangin at pagninilay upang makapagsagawa ng pasya ayon sa sukatan ng maayos na pangingilatis. Maaari ring isaaalang-alang ang mga damdaming lumitaw habang pinagninilayan ang isang pinagpipilian. Ang mga galaw ng ating damdamin ay maaaring maging tanda at paraan ng pakikipag-usap sa atin ng Diyos at ng pagpaparating Niya sa atin ng kanyang mensahe. May mga positibong damdamin nakakapagpalapit sa atin sa Diyos; meron din namang mga negatibong damdaming nakakapagpalayo sa atin sa kanya. Ang mga positibong damdamin at galaw na ito ay maaaring dumating sa atin bilang matinding pagdama sa pag-ibig ng Diyos, dagdag na tiwala sa kanya, pakiramdam ng pagiging mulat sa ating pagkamakasalanan at pangangailangan natin ng Kanyang awa, pagkamulat sa maraming biyaya ng Diyos, pagnanais na maglingkod sa Kanya at sa kapwa, at iba pa.

e) Ikumpirma ang pasya. Ang pasyang naisagawa matapos ang pangingilatis ay hindi isang pinal na pasya. Ang pangingilatis ay isang patuloy at hindi natatapos na proseso. Kailangang palaging sinusubok ang anumang pasya. Posible na hingin ng mga bagong sitwasyon ang isang bagong pasya. Kailangang parating maging mulat ang isang tao sa sitwasyon upang makita kung ano ang hinihingi ng Diyos sa kanya sa nabanggit na sitwasyon.

(Susundan ng maikling panahon ng katahimikan ang pananalita.)

VI. Pagbasa mula sa Bibliya at Personal na Pagninilay (20 minuto)

Maaaring pumili sa mga sumusunod:

- Romano 12:2

- Romano 8:26-29

- Efeso 1:15-18

Susundan ito ng 20 minuto ng personal na pagninilay. Maaaring imungkahi ang sumusunod na mga tanong:

a) Batay sa mga ibinahaging karanasan, nakikita ko ba ang kahalagahan ng personal at pangkatang pangingilatis sa aking pananampalataya bilang Kristiyano at sa aking tingkulin bilang mamamayang Pilipino lalo na sa konteksto ng darating na eleksyon sa Mayo?

b) Ano ang mga peronal na kahirapan sa prosesong ito? Paano ko malulutas ang kahirapang ito?

k) Paano ipinahahayag ng Diyos ang kanyang kalooban sa akin sa kasalukuyang kalagayang politikal sa bansa?

VII. Bahaginan at Paglalagom (25 minuto)

Ibabahagi ng mga kalahok ang mga bunga ng kanilang panalangin at pagninilay. Maaaring harapin ang mga tanong at paglilinaw sa puntong ito. Mahalagang pagtuunan ng pansin ang mga kahirapan, ngunit kailangang bigyan-diin ang kahalagahan ng pangingilatis bilang tungkulin ng bawat Kristiyanong mulat sa kanyang pananagutan.

Mga dagdag na paunawa:

Kaugnay ng pangingilatis ang kakayahang makinig sa Diyos. Ipinahahayag ng Diyos ang Kanyang presensiya sa pamamagitan ng kanyang Salita, ng atin mismong buhay, ng ating mga relasyon; samakutuwid sa konkretong karanasan natin sa araw-araw. Dito nakabatay ang ating pananampalatayang Kristiyano: na ang Diyos ay nagbunyag ng Kanyang sarili at nagsalita Siya sa atin. Kaya nga kailangang maging mulat tayo sa mar aming mga posibilidad ng kanyang pagpapakita. Kung lalago tayo sa buhay pananampalataya, lalago rin tayo sa buhay pangingilatis.

Hindi nagtatapos ang pangingilatis kapag nagawa na ang pagpasya. Bagkus, patuloy ito upang subukin ang pasya. Kung may mga pagduda ukol sa pasya, maaaring ulitin ang proseso.

Ang mahalaga ay humantong ang pangingilatis ng tao sa aksyon. Maaaring hadlangan ang pag-aksyon ng mga takot at pangamba na maaaring humantong sa pagpapabukas ng pagpasya o kaya sa hindi pagpasya. Bilang mga Krsitiyano, tinatawag tayong magtiwala sa kapangyarihan ng Diyos upang makapamuhay ng tapat sa Ebanghelyo.

Sa Eleksiyon, madalas na hindi ang dalawang mabuting kandidato ang pinagpipilian kundi ang dalawa o higit pang "masamang" kandidato. Sa ganitong sitwasyon, tayo ay dumaraan sa isang proseso ng pangingilatis upang piliin ang "lesser evil" o magpasya kung ang pag-boycott ang mas naaangkop na tugon. Sa ganitong sitwasyon, ang pagpili sa higit na makabubuti sa mamamayan at bayan ang dapat bigyang halaga.

VIII. Pangwakas na Panalangin (5 minuto)

Maaring bahaginang panalangin. Ang mga kalahok ay maaring hikayating bumigkas ng ilang panalangin para sa bansa o para sa isang malinis at maayos na eleksiyon. Maari ring paghingi na pagtubo sa pangingilatis o mga personal na panalangin. Tatapusin sa isang panalangin na pamumunuan ng taga-pagpadaloy. Maaring awitin ang Ama Namin.

IX. Pangwakas na Awit (mungkahi: Sa Diyos Lamang Mapapanatag Isideo, SJ/Que, SJ)

 

 


 

Gabay-Dasal V: KRISTIYANONG PAMUMUNO

 

I. Pambungad na Awit (mungkahi: Likhain mong Muli Alejo/Francisco)

II. Pambungad na Panalangin:

O Panginoon,

Ano ang gagawin mo

Upang mapagtagumpayan ang katigasan ng aming mga puso?

Kailangang bigyan mo kami ng bagong puso, mga dumadamang puso,

Upang mapalitan ang aming pusong bato.

Ibigay mo po sa amin ang puso ng Iyong Anak na si Hesus.

Halina, mahal na Puso ni Hesus.

Iluklok mo po ang iyong puso sa kaibuturan ng aming mga puso.

At papagningasin mo ang apoy ng pag-ibig

Sing-init at sindakila ng mga dahilan upang ika’y aking ibigin.

Panginoong Hesus,

Habang natitipon kami, hinihingi namin ang biyaya

Upang makita namin ang mga masamang espiritu

At maipagsanggalang namin ang aming sarili laban sa kanila.

Hinihiling din naming higit naming makilala ang iyong mga pamamaraan

Upang higit ka naming matularan at masundan. Amen.

Isang Ama Namin, Aba Ginoong Maria at Luwalhati.

III. Pambungad (5 minuto)

Sa nakaraang sesyon, natuklasan natin ang kahalagahan ng pangingilatis. Araw-araw, gumagawa tayo ng pasyamaliit man ito tulad ng "Magsisimba ba ako?’, "Patatawarin ko na ba ang aking kapitbahay?" at iba pa. Hinihingi ng ganitong mga sitwasyon ang ating personal na pasya. Ngunit bilang mga Kristiyano, hindi lamang maliliit na pasya ang ginagawa natin. Minsan, kailangan din nating gumawa ng mahahalagang pasya. Sa ganitong mga pagkakataon, higit na hinihingi sa ating gumawa ng pasya ayon sa kalooban ng Diyos. Inasahan sa atin bilang mga disipulo ni Hesus na ang Diyos ang maging sentro ng ating buhay sapagkat Siya ang sanhi at tunguhin ng ating buhay.

Ang sesyong ito ay ukol sa Kristiyanong pamumuno. Sinasabi nating "Kristiyano" sapagkat si Kristo at ang kanyang pamamaraan ng pamumuno ang magiging sukatan at batayan ng pamumunong dapat na umiiral sa ating mga tahanan, opisina at bayan. Kaya’t mahalaga sa sesyong ito na makita at maunawaan kung papaano namumuno si Hesus. Ano ang mga pagpapahalagang isinusulong niya? Anong pamamaraan ang ginagamit niya? Bakit siya kaakit-akit sa maraming tao sa maraming panahon?

Bukod sa Kristiyanong pamumuno, titingnan din natin ang isa pang uri ng pamumuno: yaong salungat sa Kristiyanong pamumuno. Kailangan nating maging mulat sa estilong ito. Ano ang mga pagpapahalagang isinusulong dito? Anong pamamaraan ang ginagamit ng uring ito?

Bilang mga Kristiyano at Pilipino, kailangang maging mulat tayo na ang dalawang uring ito ay hindi lamang mga guni-guni. Tunay na matatagpuan ang mga ito sa ating lipunan. Palaging naghihidwaang ang dalawang uring ito ng pamumuno, na para bagang sagisag ng patuloy at hindi matapus-tapos na pagpapasya at pagpili ng tao sa masama at mabuti sa kanyang isip at gawa.

Kaya’t ang ating mga layunin ay:

- unawain ang dalawang uri ng pamumuno;

- tingnan kung paano ginagamit ng ating mga pinuno ang alinman sa dalawang uri;

- magsagawa ng pagpili at pagpasya kung alin sa dalawa ang para sa ikabubuti ng ating bayan.

Biyayang hihingin: Ang marinig natin ang tinig ng Panginoon na tumatawag sa atin, at upang maging handa tayong tumugon at sumunod sa kanya bilang ating pinuno.

IV. Personal na Pagninilay (5 minuto)

Maaaring pagnilayan ang mga sumusunod na tanong bago tayo magpatuloy. (Walang Bahaginan)

1. Ano ang karanasan at obserbasyon ko sa pamumuno sa bansa? Pamumuno – tinutukoy ang mga pag-uugali, asal at gawain ng ating mga opsiyal sa lokal at pambansang nibel, inihalal man o hinirang.

2. Para sa akin, ano ang Kristiyanong pinuno? Ano ang mga katangian ng isang Kristiyanong pinuno?

3. Gaano kahalaga ang Kristiyanong pinuno sa mga panahong ito, at paano niya pamumunuan ang bansa sa gitna ng mga krisis?

V. Pananalita (20 minuto)

Mahalagang gawin ang pananalitang ito nang malinaw at may pagbibigay diin sa mahahalagang punto. Magbigay ng konkretong halimbawa kung paano ang tatlo: kayamanan, katanyagan at kapangyarihan, ay makikita sa mga asal at gawain ng marami sa ating mga politiko. Bigyang diin ang tradisyunal na politiko bilang halimbawa ng ganitong uri ng pamumuno. Nasa tagapagpadaloy kung ilang minuto ang ilalaan niya sa bawat uri. Ang mahalaga ay isali ang lahat ng nasa ibaba.

A. Ang mga pinagkakaabalahan ng makasariling pinuno.

1. Malaki ang papel ng pera at kayamanan sa ating mga eleksyon. Una, kayamanan ang pangunahing interes ng ating mga kandidato. Alam natin kung paano ang mga puwesto sa pamahalaan ay pinagkakakitaan ng mga opisyal. Hindi masama ang mismong kayamanan, ngunit kung ito na lamang ang pangunahing motibasyon ng mga kandidato sa kanilang pagtakbo, hindi sila karapatdapat sa ating mga boto. Ikalawa, hindi lamang hinahangad ang kayamanan. Ginagamit din ito upang makaimpluwensya at makagamit ng mga tao. Hindi kaila sa atin kung paano gumagalaw ang pera sa pagbibili ng mga boto, pag-arkila ng mga "goons," pagbibigay ng donasyon sa kung anu-anong proyekto at iba pang hindi kailangang pinagkakagastuhan. Pagkatapos ng eleksyon, babawiin ng mga kandidato ang anumang nagasta nila sa pamamagitan ng pangungurakot. Binubulag ng kayamanan ang ating mga pinuno. Binubulok sila ng kayamanan, pati ang mismong sistemang kinalalagyan nila.

2. Katanyagan ang habol ng karamihan sa mga taong nais maluklok sa mga puwesto sa lipunan. Pinananatili ng katanyagan ang mataas na posisyon ng isang tao sa pamayanan. Iniuugnay ng marami sa ating mga politiko ang katanyagan sa puwesto sa gobyerno. Ginagamait nila ang kanilang puwesto upang magkaroon ng espesyal na pagtrato mula sa mga tao, upang palagi silang pag-usapan ng sa telebisyon at radyo, upang makahingi ng pabor sa mga nasa kapangyarihan, at iba pa. Hindi masama ang katanyagan sa kanyang sarili. Ano’ng masama sa paglabas ng iyong pangalan sa diyaro? Ano ang masama kapag pinag-uusapan ka ng mga tao? Kapag hinihingan ka ng pera ng mga tao? Tulad ng kayamanan, binubulag ng katanyagan ang ating mga pinuno. Binubulok sila ng kayamanan, pati ang mismong sistemang kinalalagyan nila. Mula sa kayamanan, sunod na nanasain ng tao ang katanyagan.

3. Kasunod ng kayamanan at katanyagan, kapangyarihan ang sunod na nanasain ng tao. Kapag may pera ka, tila natural lamang na isipin mong dapat igalang ka ng mga tao. Kailangan ang kapangyarihan upang maganap ang mga nais mo, upang makuha mo ang mga nais mo, upang ikontrol ang mga tao, upang mapanatili ang kayamanan at katanyagan. Kaya nga mapanganib ang kapangyarihan. Ang sinumang may hawak ng labis labis na kapangyarihan anupa’t ginagamit na niya ang ibang tao upang mapanatili ang kanyang kayamanan, katanyaga’t kapangyarihan ay hindi dapat mahalal sa puwesto. Ang ganitong mga kandidato ay naniniwalang sila lamang ang may karapatan sa politika. Sila lamang ang may hawak ng kapangyarihan at ibibigay lamang nila ito sa kung kanino nila nais. Hindi nila pinahihintulutang makisangkot ang mga tao sa politika. Pinananatili nila ang sistema ng "padrino" at "ninong." Nais nila na nakaasa lamang sa kanila ang mga tao, at inaasahan nilang iboboto sila ng mga ito sa eleksyon. Ito ang paraan ng pagpasailalim nila sa mahihirap sa kanilang kapangyarihan. Sinasamantala ng mga kandidatong ganito ang maling interpretasyon sa ating mga pagpapahalaga tulad ng utang na loob, hiya, personalismo at iba pa. Kapag tinulungan ng kandidato ang isang tao, ipararamdam niya rito na may utang na loob ito sa kanya, at dala ng hiya, kailangang tanawin niya ito sa pamamagitang ng pagboto sa kanya. Sa personalismo naman, mas binibigyang diin ang taong nais mahalal kaysa sa programa ng kanyang pamamahala.

Hindi ba’t namamasdan natin ang ganitong uri ng kandidato sa ating bansa? Makababanggit ka ba ng ilan pang mga halimbawa ng kanilang paggamit ng kayamanan, katanyagan at kapangyarihan upang maluklok sa puwesto?

B. Mga Pagpapahalaga ni Kristo

1. Ang isang mabuting pinuno ay nagdarasal. Ang Kristiyanong pinuno ay tapat sa paghahanap at pagsasabuhay ng kalooban ng Diyos. Siya yaong may maalab na pagnanasang mabuhay sa presensiya at biyaya ng Diyos. Handa siya makinig at sumunod sa tinig ng Diyos. Ang kaniyang pamumuno ay nakaugat sa personal na pakikipag-ugnayan sa Panginoon. Bagamat may mga kayamanan ang pinunong ito, ang pinakamahalaga sa kanya ay ang ugnayan niya kay Hesus. Ang kanyang pangunahing layunin ay ang ugnayang ito na nais niyang palalimin maging sa paghawak sa puwesto. Ang Diyos ang sentro ng kanyang buhay at karera. Ang ugnayang ito ang nagbubunsod sa kanya upang gumawa ng mga desisyon ayon sa kalooban ng Diyos, para sa ikabubuti ng lahat, at para sa mga mahihirap. Hindi niya kailanman tinatangkang labagin ang utos ng Diyos at ng lipunan.

2. Ang pamumunong isinabuhay ni Hesus ay ibang iba sa pamamaraan ng mundong ito. Ang sa kanya ay ang pagiging pinunong lingkod. Sa istilong ito, itinuturing ng pinuno ang kanyang posisyong bilang pagkaaktaon upang malingkod. Naniniwala ang pinunong lingkod na inihalal siya ng mga tao upang paglingkuran sila, hindi upang sila ang maglingkod sa kanya. Masigasig na gumagawa ang pinunong ito upang paglingkuran ang mga mamamayan. Hindi siya naghahangad ng labis pa sa wastong sahod na tinatanggap niya. Hindi siya humihingi ng karagdagang salapi dahil sa kaniyang mga nagawang trabaho. Para sa kanya, nararapat lamang na makatanggap nang maayos na serbisyo ang mga mamamayan. Palaging ang ikabubuti ng lahat ang inaatupag niya, hindi ang para sa kanyang pamilya lamang. Para sa pinunong lingkod, ang mabisang pamumuno ay nasa pagpapakita ng mabuting halimbawa.

3. Ang Kristiyanong pinuno ay ganap na kasalungat ng makasariling pinuno sapagkat hindi siya nag-aasam ng kayamanan, katanyagan o kapangyarihan sa kanyang pag-upo sa puwesto. Ngunit hindi sapat na ang pinunong lingkod ay madasalin, matuwid at iba pang magagandang katangian. Kailangang may sapat na kakayahan siya upang mamuno. Kailangang may matalas na pag-iisip ang pinunong Kristiyano upang maunawaan at masuri niya ang sitwasyon at makabuo siya ng mahusay na plano upang malutas ang anumang suliraning nakita niya. Kailangan din ang isang tapat na puso upang manatiling masigasig sa kanyang gawain. Kailangan din ang masipag na kamay upang maisakatuparan ang mga plano, upang magamit ang mga teorya sa mga konkretong sitwasyon. Kailangang may kakayahan sa pamumuno ang pinunong Kristiyano. Hindi sapat na mabuting tao lamang siya.

VI. Pagninilay at Bahaginan (40 minuto)

A. Pagbasa mula sa Bibliya: Mateo 4:1-11. Malinaw at dahan-dahang pagbasa.

B. Ilang sandali ng katahimikan upang pagnilayan ang mga pagbasa at ang mga sumusunod na tanong:

1. Sa totoo lang, aling uri ng pamumuno ang pinaiiral at sinusuportahan ko? (sa aking tahanan, paaralan, opisina, pamayanan)

2. Nakahanda ba akong itakwil ang pamamaraan ng kaaway ni Hesus at yakapin ang pamamaraan ng Panginoon?

3. Paano ko haharapin at lulutasin ang pagtutol sa/ng aking kalooban?

C. Bahaginan.

Hikayatin ang mga kalahok na ibahagi ang kanilang mga sagot. Akayin sila tungo sa pagtakwil maling paggamit sa kayamanan, katanyagan at kapangyarihan, at sa pamamaraan ng kaaway; sa halip, isabuhay ang pamamaraan ng Panginoon. Mahalagang itakwil ang mga ito kung nais talaga nating sumunod sa Panginoon.

D. Pangwakas na Panalangin (gagabayan ng tagapagpadaloy)

Una, lumapit tayo sa ating Mahal na Ina, upang tulungan tayo sa ating paghingi sa kanyang Anak sa biyayang nais natin: pagtakwil sa kayamanan, katanyagan at kapangyarihan, upang makapamili rin tayo ng mga kandidatong mamumuno ayon sa

Pamamaraan ng Panginoon.

Ikalawa, lumapit tayo sa Anak, kay Hesus, at hingin ang mga biyayang nabanggit.

Ikatlo, lumapit tayo sa Ama, na siyang nagkakaloob ng lahat ng biyaya. Hingin nating ipagkaloob sa ating ang biyayang nais natin. Magdasal ng Ama Namin.

VII. Pangwakas na Awit : (mungkahi: Panginoon, Aking Tanglaw Ramirez, SJ)

 


Gabay-Dasal VI: PALAGIANG PAGBABANTAY

 

I. Pambungad na Awit: (mungkahi : Alay Kapwa Tinio/Hontiveros, SJ)

II. Pambungad na Panalangin

Panginoon,

Madalas naming tinalikdan ang pangangailangan ng aming kapwa

Dahil sa aming pagiging makasarili.

Nabibigo kami sa pagsisikap naming abutin

Ang kaganapang siyang layunin ng Iyong paglikha sa amin.

Sa pamamagitan ng Iyong awa,

Nawa’y muli naming makamit ang mga biyaya

Na nawala namin dahil sa aming kawalang-ingat at kahangalan.

Habang kinikilala at tinatanggap namin ang aming pagiging makasalanan,

Ininatalaga namin ang aming sarili sa iyo

At nangangako kaming makikisangkot sa mga gawain,

Ng simbahan man o ng pamahalaan

Kung saan may kakayahan kaming tumulong

Sa pagpapabuti ng kalagayan

Ng mga naghihirap naming kababayan.

Maninindigan kami para sa makatarungang pamunuan.

Hahadlangan namin ang anumang karahasan.

Gagamitin namin ang mga talino at galing

Na ipinagkaloob mo sa amin upang tulungan ang mga tao.

Basbasan mo ang mga pinuno ng aming pamahalaan

Upang kanilang tupdin ang kanilang mga tungkulin

Nang may karunungan at kapakumbabaan. Amen.

III. Panimula (10 minuto)

Humantong na tayo sa ating huling paksa. Nagsimula tayo sa muling pagkilala sa dangal ng tao. Ito ang sukatan natin sa pagtasa sa kalagayang pambansa. Bilang mga Kristiyano, hinahangad nating tumugon nang husto sa sitwasyon, at nakita nating ang ating pananmpalataya ay humihingi sa atin upang tayo ay maging mga mabuting mamamayan, aktibong nakikisangkot sa pagpapanatili at pagpapaunlad sa sistemang demokratiko. Napagnilayan din natin ang kahalagahan ng panalangin sa pagkilatis sa mga katangian ng mabuting pinuno, lalo na sa konteksto ng nalalapit na eleksyon.

Sa ating huling sesyon, itutuon natin ang ating pansin sa tema ng pagbabantay sa dalawang dahilan. Una, ang pagsisikap na magkaroon at matiyak ang isang malinis na eleksyon ay humihingi ng mahabang panahon. Madaling mawalan ng gana at magtanong kung may pakinabang nga ba ang ating ginagawa. Ikalawa, kadalasan, mabilis nating naoorganisa ang ating sarili para sa mga pagkilos para sa mga mahalagang pangyayari sa bansa tulad ng eleksyon, ngunit madali namang nawawala ang ating interes. Ito ang tinatawag nating ningas kugon. Isang magandang halimbawa ang EDSA noong 1986. Napalayas natin si Marcos, ngunit hindi naman nalutas ang ating mga suliranin. Kung mananatili na lamang tayo sa malalaki at makasaysayang pangyayari, babalik at babalik lamang ang mga dating problema. Kaya nga kailangan ang palagiang pagbantay: ang maging malay at mulat at kasangkot hindi lamang bago at habang eleksyon, ngunit palagian.

Ganito ang sinasabi ng ating mga obispo ukol sa panahon matapos ang mga halalan sa ating bansa: "Kadalasan nang mag kaguluhan sa mga pamayanan. Nagaganap ito sa huling pagbibilang ng mga boto at sa paghirang sa mga nanalo. Bawat matalo ay nagsasabing dinaya siya, at hindi matanggap tanggap ang resulta ng eleksyon. Matagal namang tinutugunan ng COMELEC ang mga protestang isinasampa, kaya’t yaong mga matagal bago naideklarang panalo ay may napakaikling panahon na lamang upang makaupo sa puwesto bago dumating ang susunod na eleksyon."

"Ang mga sumusunod ang mga partikular na detalye ng mga kasamaan na politika na binaggit kanina lamang. Kapag nakaupo na sa puwesto ang mga nanalo, ginagamit nila ang kanilang kapangyarihan upang panatilihan ang kanilang sarili sa puwesto. Ginagamit nila ang pera ng mamamayan upang bayaran ang mga gastos sa eleksyon, upang makadelihensiya ng marami – at hindi magagawa ang mga ito kung hindi papasok sa mga gawaing korupsyon. May mga pangongotong, pag-pepeke ng mga kontrata ng proyekto, maling paggamit sa mga alokasyon ng kongreso at iba pang mga karumaldumal na mga gawaing pangungurakot. Ang lahat ng ito ay nagagawa nila nang hindi sila napaparusahan. Kaya naman patuloy sila sa ganitong gawain na para bagang karaniwan lamang ito sa mga opisyal ng pamahalaan."

Ang ganitong bulok na sistema ng politika sa ating bansa ay mananatili pa rin matapos ang eleksyon. Higit nitong palulubhain ang paghihikahos ng marami sa ating mga kababayan. Ngunit ang mas nakakalungkot at nakakatakot ay kung tatanggapin na lamang natin ang ganitong maling mga gawain bilang karaniwan at di maiiwasang pamamaraan ng pamumulitika sa bansa. Hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa at lakas pagkatapos ng eleksyon. Bagkus, dapat na higit tayong maging mapagbantay at puno ng pag-asa sa harap ng tila di matapos-tapos at di malampas-lampasang pagsubok.

Biyayang hihingin: Ang pagkalooban tayo ng (1) sigasig upang palagiang magbantay laban sa mga nagnanais humadlang sa kalayaan at demokrasya; (2) katapangan upang maharap natin ang mga di-makatarungang elemento ng ating lipunan; (3) pag-asa na magbubunga rin ang ating mga pagsisikap sa tulong ng Diyos.

IV. Pagbasa ng Salita ng Diyos (mula sa Mateo 25:1-13)

A. Gabay sa Pagninilay

Hindi natin alam kung kailan magbubunga ang ating mga pagpupunyagi. Maaari tayong gumugol ng maraming oras sa pagturo sa mga botante ukol sa maayos na pagpili ng mga kandidato at pagbantay sa mga balota; ngunit hindi natin alam kung tapat at karapt-dapat ngang mga opisyal ang maluluklok sa puwesto. Maaari nating gamitin ang ating mga kayamanan upang isulong ang mahahalagang isyu sa ating pamayanan, ngunit hindi natin alam kung kakampihan ba ng mga opsiyal ng pamahalaan ang mga tao. Ngunit sa kabila ng kawalan ng katiyakan, tinatawag pa rin tayong magbantay, upang magpatuloy habang taglay ang pag-asa na ang anumang pagsisikap natin ay hindi mauuwi sa wala. Kung tutuusin, hindi magaganap ang EDSA kung hindi dahil sa pagsisikap ng maraming maliiit na tao at grupo.

Dapat ay hindi tayo maging tulad ng mga hangal na dalaga, na hindi nagdala ng langis sa pagbantay para sa pagdating ng nobyo. Hindi tuloy sila nakasali sa piging. Maaari rin nating mapalampas ang mga pagkakataon upang mabago ang lipunan kung hindi natin gagawin ang ating takdang gawain. Nangangahulugan ito ng pagiging mulat sa mga isyu sa ating maliit na pamayanan at sa kabuuan ng bansa, ng pagiging palaging handa upang makisangkot para sa ikabubuti ng lahat. Dapat ay maging katulad tayo ng mga matalinong dalaga na may dalang reserbang langis habang naghihintay sa pagdating ng nobyo.

V. Persaonal na Paginilay (15 minuto) at Bahaginan (25 minuto)

1. Naging mapagbantay ba ako sa nakaraan, lalo na upang matiyak ang pagkakaroon ng malinis at mapayapang eleksyon?

2. Bakit mahalagang maging mapagbantay?

3. May isyu ba sa aking pamayanan na humihingi ng aking pakikisangkot?

4. Kung hindi ako nakapagbantay, ano ang mga dahilan nito? Bakit mahirap masubaybayan ang rekord ng mga opisyal? Anong mga kaugalian ang namamayani?

5. Paano ako magiging katulad ng "matalinong dalaga?"

VI. Pag-uulat sa Malaking Grupo at Paglalagom (15 minuto)

Pakinggan ang mga ulat ng mga grupo at lagumin ang mga ibinahagi. Pansinin ang magkakatulad na sagot sa mga tanong. Pagkatapos, magbigay ng tuntunin para sa teknikal na talakayan ukol sa pagbabantay sa eleksyon. Tanungin sila ukol sa kung anu-anong paraan ng pakikisangkot ang maaari nilang gawin sa eleksyon mismo at pagkatapos nito. Ang ilan sa mga posiblidad ay: pagbibigay ng voters’ education seminar, pagbabantay sa mga presinto, paglikom ng pondo, pagsulong ng mga isyu sa pamamagitan ng pagsulat sa mga peryodiko ets. Walang kontribusyon na hindi mahalaga. Maglaan ng 15 minuto para rito. Maghahanda sila ng nakasulat na pangako na makikisangkot sila (kasama ang pamamaraan). Nasa anyong panalangin ito at iaalay sa liturhiya.

Maaari ring bigyang diin ng tagapagpadaloy kung paano masusuportahan ng mga kalahok ang bawat isa, upang makapagpatuloy ang pakikisangkot maging pagkatapos ng eleksyon.

VII. "Business Meeting" (15 minuto)

Tatalakayin ng grupo kung anu anong konkretong aksiyon ang maaring gawin ngayong natapos ang proseso ng pananalangin.

VIII. Pangwakas na Liturhiya (45 minuto)

Ito ang huling sesyon, kaya’t mainam kung makapagtatapos sa isang Misa. Maaaring ialay ang mga nakasulat na pangako sa paghahanda ng mga alay, at babasahin nang malakas pagkatapos ng komunyon.

Kung hindi posible na magkaroon ng Misa, maaaring magkaroon ng para-liturhiya kung saan babasahin nang malakas ang mga panalangin ng pangako. Maaaring gamitin ang sumusunod na panalangin bilang pangwakas:

Ama naming makapangyarihan,

Ikaw ang Diyos ng aming buhay at kasaysayan.

Binigyan mo kami ng kapangyarihang pumili

Ng mga mamamahala sa amin

Sa pamamagitan ng aming mga boto.

Muli na namang naming gagamitin ang aming banal na tungkuling bomoto.

Nawa’y makapamili nang maayos ang aming mga kababayan.

Nawa’y mapili namin ang mga taong malinis na pamumuhay moral,

Matapat, maay kakayahan at hindi mapag-imbot,

Nagmamahal sa mga mahihirap at magsusulong ng ikabubuti ng lahat.

Nawa’y mapili namin nang maayos ang mamumuno sa aming paglalakbay

Bilang isang bayan tungo sa pagkakaisa at pag-unlad.

Ipagkaloob mo po sa amin ang biyaya ng katapangan at pagbabantay,

Upang bago, sa araw ng, at pagkatapos ng eleksyon,

Mahadlangan at mapagtagumpayan namin

Yaong mga maninira sa ikabubuti ng lahat.

Nawa’y maging mapayapa at malinis ang darating na eleskyon.

Nawa’y maipakita namin ang aming pag-unlad bilang bayang

Naninindigan para sa katarungan at kapayapaan.

Hinihiling namin ito sa ngalan ni Hesus na aming Panginoon. Amen.

IX. Pangwakas na Awit (mungkahi : Huwag Mangamba Francisco, SJ)

 

(c) Copyright: Simbahang Lingkod ng Bayan
Loyola House of Studies
Ateneo de Manila University, Quezon City

 

Sign our Guestbook at About Us!

Main Menu

lens.jpg (15783 bytes)CHAPEL NET
Christian Action for Peaceful and Meaningful Elections
Loyola School of Theology, Ateneo de Manila University, Quezon City
Tel. No. 924-4951 local 3588, Fax No. 924-4442

chapelnet@usa.net

©  Copyright Chapel Net
All Rights Reserved 1998