IKATLONG BAHAGI
PAGTATALAGA NG MGA PAMANTAYAN SA PAGPIPILI NG MGA KANDIDATO

ople.jpg (92973 bytes)

ORAS NA KAILANGAN: 1 oras at 15 minuto

MGA LAYUNIN: sa sesyong ito, kailangang magawa ng mga kalahok na:

1. maibahagi sa isa’t isa ang kani-kaniyang kaisipan kung ano ang mabuting pinuno

2. maglista ng mga pamantayan sa pagpili ng mga kandidato sa darating na halalan, na nakatuon sa proseso sa halip na sa pagkakasundo;

MGA KAGAMITAN:

1. pisara
2. chalk
3. ilang piraso ng papel
4. lapis o ballpen


PAMAMARAAN
(Gawain: 30 minuto)

Gumuhit ng mga linya sa pisara na hahati dito sa apat na bahagi at lagyan ng pamagat ang bawat bahagi (mula sa PPCRV):

a. Maka-Diyos
b. Makatao
c. Makabayan

            1. Atbp.

          Malawak ang saklaw at hindi tiyak ang mga salitang ito. Kailangang gawing tukoy ang mga salita sang-ayon sa ulat tungkol sa kalagayan ng ating bansa na narinig natin kanina. Sa puntong ito, inaanyayahan ko ang lahat, pagkatapos ng ilang minutong pagmumuni-muni, na pumunta sa harap at isulat sa pisara, ayon sa wastong pamagat, ang mga gawi na magpapakita na taglay ng isang kandidato ang isang katangian. Isulat ang lahat ng mga katangiang naiisip. (15 minuto)

          Paupuin ang lahat. Basahin sa loob ng ilang sandali ang mga nakasulat sa pisara. Pagkatapos, bumuo ng maliliit na grupo at pag-usapan ang mga katangian. Maaring makatulong kung pagsasama-samahin ang magkakatulad na katangian sa isang katawagan o parirala. Ang layunin ay magkaroon ng masiglang palitan ng kuro-kuro sa loob ng grupo at makapaglista ng limang mahahalagang katangian ng isang kandidato, lalung-lalo na iyong mga tutugon sa kasalukuyang pangangailangan ng ating bansa.

           

PAG-UULAT: (10 minuto)

          Makinig sa pag-uulat ng mga grupo. Ayon sa tamang pamagat, ilista ang mga pamantayan sa pisara.

Pagpoproseso:(10 minuto)

          Sa pisara, nakasulat ang mga pinahahalagahang katangian ng mga kalahok na dapat taglayin ng isang kandidato. Balikan ang bawat nakalistang katangian at subukang ipaliwanag ang mga ito. Magbigay ng mga konkretong halimbawa sa pagpapaliwanag. Heto ang ilang halimbawa ng mga karaniwan nang pinaniniwalaang mga batayan sa pagpipili ng mga kandidato (maaaring idagdag ng tapagdaloy ang mga pamantayang nakasulat sa ibaba kung hindi ito nakalista sa pisara):

          a. Kakayahan. Maaring may kakayahan ang isang kandidato sa isang larangan, subalit kapaki-pakinabang ba ang kakayahang ito sa posisyong gusto niyang paglingkuran? Tingnan ang plataporma ng posisyon.

          b. Kasaysayan. Paano ginampanan ng isang kandidato ang kaniyang tungkulin? Ang kaniyang mga pananalita ba’y tinutumbasan ng mga pinag-isipan, konkreto at mabilis na pagkilos?

          c. Kredibilidad. Maliban sa mga nagawa na, ang personal na buhay ba ng kandidato ay maaaring maging batayan upang ipagkatiwala sa kaniya ang posisyong hinahangad niya? Bantayan kung may pangungurakot, ang uri ng pamumuhay, pakikipag-ugnayan sa mga katrabaho/nagtratrabaho sa kaniya, moralidad, mga layunin at paraan ng pag-abot dito.

          d. Programa sa Paglilingkod. Ano ba ang gustong ialay ng kandidato sa mga tao, sa kaniyang mga nasasakupang botante, kapag nakaluklok na siya sa puwesto? Konkreto, makatotohanan, at makatutugon ba sa mga pangangailangan ng taong-bayan ang kaniyang programa?

          e. Pansariling mga Katangian. Maraming halimbawa dito subalit maaring saklawin ito ng mga salitang: maka-Diyos, makabayan, makatao, makapamilya, makakalikasan, makatarungan, makamahirap. Maaring hindi totoo ang lahat ng mga katangiang ito sa isang kandidato. Subalit ang isa o dalawa sa mga ito na taglay ng isang kandidato ay mahalaga sa gagawing pagpapasya.

          f. Pagka-panaluhin. Malaki ba ang pag-asang manalo ang iyong kandidato? Kung mukhang imposibleng manalo siya, mas mabuting huwag mo na siyang iboto. Isa lamang itong panukala. Maaaring hindi tanggapin ng ibang tao na ang pagka-panaluhin ay dapat isaalang-alang sa pagpili ng kandidato. Kailangang igalang natin sila.

           

          Mahalaga rin, gaya ng pamantayan sa pagpili at ng katangian ng isang kandidato, ang paraan kung paano ginagawa ang pagpili. Alalahanin kung papaano tayo nakabuo ng listahan ng mga pamantayan.

          a. Mag-isip. Kailangang nakabatay sa mahahalagang usapin at hindi sa katauhan o popularidad ng kandidato ang ating pamantayan. Dapat na magmula sa matalino at responsableng pagpapasya ang ating boto.

          b. Magsaliksik. Dumalo sa mga pagpupulong. Makinig sa palitan ng mga kaisipan at debate. Magtanong.

          c. Makipagtalakayan. Makipag-usap sa mga kaibigan, kamag-aral, at mga kabaranggay para maibahagi sa kanila ang nalalaman mo at upang mapalawak pa ang kaalaman mo tungkol sa bawat kandidato at mga plano nito.

          d. Manalangin. Hingin mo sa Panginoon na gabayan ka upang mapagpasyahan mo ang pinakamabuti. Sino ang pinakamabuti sa lahat ng mga kandidato? Sino ang pinaka-hindi-gaanong masama sa lahat ng mga hindi gaanong mabubuting kandidato?

           

Paglalagom:

          Ang buong pagkatao ang bumoboto. Maging botante o kandidato, dapat gamitin ang

Katalinuhan (Head)

Kamay (Hands)

Kalooban (Heart)

          sa darating na eleksyon. Ang pag-iisip ay galing sa katalinuhan. Ang motibasyon ay mula sa kalooban, at ang kilos ay nagbubuhat sa mga kamay. Kailangan hingin natin ang mga ito sa ating mga kandidato, subalit bilang mga botante, dapat din tayong maging alisto, sa pamamagitan ng paggamit ng ating katalinuhan, kamay at kalooban, sa pangangalaga ng ating demokrasya.

Pangwakas na Panalangin:

Sa paggunita na ang pakikisangkot sa eleksyon ay bahagi ng ating Kristiyanong pananampalataya, hingin natin sa Diyos Ama na sana’y ipadala Niya tayo sa gitna ng ubasan ng eleksyon sa Pilipinas.

Pagkalipas ng ilang sandali ng katahimikan, basahin ang Juan 20: 18-23.

"Kung paano ako sinugo ng Ama, gayon din naman sinusugo ko kayo."

"Luwalhati"

Sign our Guestbook at About Us!

Main Menu

lens.jpg (15783 bytes)CHAPEL NET
Christian Action for Peaceful and Meaningful Elections
Loyola School of Theology, Ateneo de Manila University, Quezon City
Tel. No. 924-4951 local 3588, Fax No. 924-4442

chapelnet@usa.net

©  Copyright Chapel Net
All Rights Reserved 1998