Ang Kabuluhan ng Halalang 1998 at ang Kristiyano/Makataong Tugon

flag.gif (18606 bytes)

(A) Ano ang kahalagahan ng halalan sa buhay ng mga Pilipino?

Malaki ang magiging papel ng mga nahalal na opisyal ng pamahalaan sa buhay ng mga Pilipino. Napakahalaga ng pampublikong mga opisyal sa pagpapatupad ng batas at kaayusan, upang maitaguyod ang isang matibay na ekonomiya, maunlad na mga hanapbuhay, mga programang pang-kalusugan, makabuluhang edukasyon, kabutihang panlahat, masasayang pamilya, at isang kontento at nagkakaisang sambayanan. Sa kabilang dako, nakadaragdag ang pampublikong mga opisyal sa pagguho ng batas at kaayusan: sa kidnapping, sa paggamit ng bawal na gamot, sa isang ekonomiyang hindi tumutugon sa pangangailangan ng mga tao, sa mga watak-watak na pamilya, mga panlipunang di-pagkapalagay, hidwaan ng mayayaman at mahihirap, at isang miserableng sambayanan.

Samakatuwid, napakahalaga ng mga halalan sa buhay ng mga Pilipino. Sa pamamagitan ng halalan, nagpapasya ang mga botanteng Pilipino kung magkakaroon ang bayan ng mga mabubuti o masasamang pampublikong opisyal. Ipinapasya nila kung itataguyod ang kabutihang panlahat o ang nakabubuti sa iilan lamang.

 

(B) Ano ang halaga ng halalang 1998 sa atin?

Ang pasya ng halalan ang magbibigay ng direksiyon sa ating bansa. Kung hindi maayos ang pagganap nito, o kung isang grupo ng hindi nararapat na pampublikong opisyal ang magiging bunga nito, maaaring masadlak sa isa na namang malagim na panlipunang krisis ang Pilipinas.

(1) Ang patuloy na pagkabingit ng Pilipinas sa krisis

Mahalaga ang bawat halalan sa Pilipinas sapagkat pagsisikap itong ipunin ang bansang nasa di matatag na kalagayan. Nasa patuloy na pagkabingit sa krisis ang bansa. May mga pagkakataong nauuwi sa ganap na krisis na nakikilala sa mga gulong pulitikal, tulad ng radikal na aktibismong pulitikal noong huling bahagi ng dekadang 1960 at unang bahagi ng dekadang 1970, ang pagpapatupad ng batas militar noong 1972, ang "People Power revolution" noong 1986, at ang pagtatangkang mag-kudeta noong Agosto 1987 at Disyembre 1989.

Ang sitwasyon ng pagkabingit sa krisis ng lipunang Pilipino ang naglalagay nito sa panganib na humantong sa ganap na krisis. Dulot naman ng masalimuot at komplikadong suliranin sa lipunang Pilipino ang patuloy na pagkabingit sa krisis. Maari nating masulyapan ito sa pamamagitan ng isang pagsusuri sa kalagayan ng Pilipinas sa puntong ito ng ating kasaysayan. Mapapansing resulta ang pagkabingit sa krisis ng kawalan o mabagal na pagbabago para sa ikabubuti ng ating ekonomiya, pulitika, kultura, at iba pa.

(2) Pinakaugat ng patuloy na pagkabingit ng Pilipinas sa krisis

Maiuugat ang matitindi at magkakaugnay na konkretong mga problema ng Pilipinas sa nanigas nang istruktura ng lipunang Pilipino. Maaaring lagumin sa sumusunod na mga paraan:

Mula sa pang-ekonomiyang pananaw, umaasa lamang ang istruktura ng lipunang Pilipino sa higit na mauunlad na ekonomiya ng mga bansang industriyalisado. Maikilala ang salik na ito sa: 1) malaking agwat ng mayayaman at mahihirap, kung saan ang mayayaman lamang ang nakikinabang sa malaking bahagi ng mga benepisyo ng pag-unlad ng ating ekonomiya, habang ang mahihirap ang nagdurusa sa mga pasaning kaakibat ng pag-unlad; 2) pagkakalugmok sa malawakang kahirapan dahil sa kakulangan ng kapital at makabagong teknolohiya na nagbubunga ng mababang pang-ekonomiyang pag-unlad; at 3) kakulangan ng kakayahang gumawa ng mga produkto mula sa ating sariling mapagkukunan. Patriarkal din ang ekonomiyang Pilipino, pinapaboran ang kalalakihan samantalang pinahihirapan ang kababaihan. Kasama sa aksidente ng pagiging babae ang kawalan ng sapat na trabaho o huling bibigyan ng trabaho, kung maging mapalad at magkatrabaho, bibigyan ng mas mababang sahod para sa kaparehong trabaho ng lalaki at sa panahon ng krisis, una silang tinatanggal.

Mula sa paninging pampulitika, pinaghaharian ng mga pulitikong tradisyunal ang buhay-pulitikal sa Pilipinas. Sapagkat tumatakbo sa popularidad ang pulitika, karaniwang nanggagaling sa mataas na antas ng lipunan ang mga nanunungkulan. Nagiging suliranin ito sa pagbabago at pagpapabuti sa ganang nagiging kapangyarihang pampulitika ang kapangyarihang pang-ekonomiya. Hindi interesado ang mga pulitikong tradisyunal sa kung ano ang makabubuti sa lahat, kundi sa kanilang sariling kapakanan. Samakatwid, salat din sa larangan ng batas at pamahalaan ang mga salat sa kayaman.

Mula sa paninging pangkultura, masasabi natin na may magagandang pagpapahalaga ang lipunang Pilipino, tulad ng pagiging sensitibo sa pangangailangan ng tao, ang mataas na pagpapahalaga sa pamilya, at ang pagiging mapag-angkop sa harap ng kahirapan. Ngunit kasabay nito, malakas din ang epekto sa lipunang Pilipino ng kolonyal na mentalidad, ang labis na pagpapahalaga sa indibidwal at sa sariling pamilya, patriarkiya (ang pagpapako ng papel ng tao ayon sa kasarian at ang dobleng pamantayan ng moralidad, i.e., mahigpit sa kababaihan at maluwag sa kalalakihan) ang pagiging mapamahiin, at ang pagtakas sa katotohanan.

(3) Mga sangkap na nag-aambag sa pagpapatuloy ng pagkabingit ng Pilipinas sa krisis

Nakakadagdag sa krisis kasama ng ating mga istrukturang pang-ekonomiya, pampulitika, at pangkultura 1) ang patuloy na pagsira sa kalikasang kayamanan ng Pilipinas, 2) ang mabilis na pagbabago; at 3) globalization.

Nag-aambag sa paglubha ng ating kalagayan ang sumusunod na mga kasalukuyang isyu: 1) ang panghihina ng ekonomiya ng buong daigdig, lalo na sa silangang Asya; 2) ang paglaganap ng pagguho ng mga demokratikong pampulitikang institusyon dahil sa pangungurakot at militarisasyon (tulad ng mga pagtatangkang baguhin ang saligang-batas at ang paggamit ng panakot sa mga nagbabalak na makilahok sa protest rally noong ika-21 ng Setyembre); 3) ang matitinding epekto ng El Niño sa agrikultura at ipong tubig; 4) ang pagguho ng batas at kaayusan na malinaw na nakikita sa dumaraming mga sistematisadong krimen tulad ng pagbebenta ng bawal na gamot at kidnapping; at 5) ang patuloy na pakikipagtalo natin sa mga karatig-bansa tungkol sa teritoryo (tulad ng pag-angkin ng Pilipinas sa bahagi ng "Spratly Islands", atbp.).

 

(C) Ano ang dapat gawin?

Ngayong 1998, kailangang kumilos upang maitaguyod ang halalang:

  • malinis, mapayapa at maayos;
  • makadaragdag sa bilang ng mga pampublikong opisyal na matapat, matiyaga, mahusay at may sapat na kakayahang pampulitika upang makagawa at magpatupad ng mabubuting batas at patakaran;
  • makapag-aambag sa patuloy na pagrereporma ng ating sistemang pampulitika.

 

(D) Paano dapat tumugon ang isang Kristiyano sa nalalapit na halalang 1998? (Ano ang makataong tugon sa nalalapit na halalang 1998?)

Dapat tayong tumugon sa nalalapit na halalang 1998 sa mga sumusunod na paraan:

    • pagtibaying muli para sa sarili at palaganapin ang paninindigan na Panginoon ng lahat ang Diyos, maging ng mga panlipunan at pangkasaysayang aspeto ng ating buhay;
    • gamitin bilang batayan ng pagpasya sa larangan ng pulitika ang mga turong moral ng pananampalatayang Kristiyano/pantao;
    • turuan ang sarili at kapwa-mamamayan na ang pagtataguyod ng kabutihang panlahat ang saligang-layunin ng buhay sa isang lipunan, at ng sistemang pampulitika na namamahala sa mga ugnayan ng kapangyarihang pambatas sa lipunan;
    • palaganapin ang tamang kahulugan ng kabutihang panlahat, ang mga kalagayan ng buhay-panlipunan na nakatutulong sa kaganapan ng buhay ng bawat tao at grupo, at nagtatanggol sa pagiging buo ng sangnilikha;
    • ipaalam sa mga tao na kasama sa kabutihang panlahat ang buhay, saligang kapakanan, kalayaan, pagkakapantay-pantay, pakikilahok, pagkakaisa, at ang pagiging buo ng sangnilikha;
    • Bigyang-diin ang pagkiling sa mahihirap bilang saligang dimensyon ng pananampalatayang Kristiyano/Makatao;
    • Ipalaganap na hinihingi ng pagiging matapat sa tawag ng pagpapakatao at pagiging kristiyano, lalong lalo na sa kasalukuyang sitwasyon ng kawalang-katarungan sa lipunang Pilipino, ang pagsasaksi sa pamamagitan ng pakikisangkot sa mga gawaing magtataguyod ng katarungan;
    • Itaguyod ang makatwiran at responsableng mga pamantayan para sa pagboto o pagkampanya para sa isang kandidato, tulad ng:
    • katapatan sa pananalita, pamamaraan at estilo ng pagtatrabaho, at sa pamamahala sa kaban ng bayan
    • mabisang pagmamalasakit para sa katarungang panlipunan at sa mahihirap
    • magkakatugma at komprehensibong platapormang pampulitika at programang pampamahalaan
    • magandang rekord ng paglilingkod sa bayan, matagumpay na pagsuporta sa mabubuting batas at patakaran at sa pagpapatupad ng mga ito
    • may kakayahan na angkop sa ninanais na opisina ng pamahalaan
    • mga kakayahang pampulitika upang maitaguyod ang pagpasa at pagpapatupad ng mabubuting patakarang panlipunan
    • kumakatawan sa iba't ibang sektor ng lipunan
    • mabubuting katangiang moral sa pribadong buhay ( angkop na huwaran ng lahat)
  • tumulong sa kapwa mamamayan sa pagkilatis sa iba't ibang kandidato ukol sa mga nabanggit na batayan at ibang makabuluhang batayan;
  • palaganapin ang pulitika na nakasalalay sa mga batayang nagtataguyod ng kabutihang panlahat at tulungan ang mga tao na tanggihan ang tradisyunal na pulitika ( tulad ng sistemang padrino, paggamit ng personal na ugnayan, mga hindi angkop na personal na regalo, paggamit ng puwersa, pagbibili ng boto, at pandaraya);
  • mangampanya para sa katapatan at kalinisan ng prosesong pampulitika sa pamamagitan ng:
    • pagtatrabaho para sa pagpasa at pagpapatupad ng mga angkop na batas at patakaran na magtataguyod sa maayos na prosesong pampulitika
    • magbantay o tumulong sa mga grupong nagsasagawa o nagmamanman tulad ng COMELEC at NAMFREL
    • makibahagi sa pagbabantay sa halalan, sa mabilis na pagbilang sa mga balota, at sa ibang trabahong panghalalan.

 

(E) Bakit hindi natin dapat pabayaang mabigo ang halalang 1998?

Pananagutan natin sa demokrasya at sa pananaig ng pamahalaang sibilyan sa pamahalaang militar ang pangagalaga sa halalang 1998.

(F) Ano ang mangyayari kung mabigo ang halalan sa 1998?

Ayon sa saligang-batas, kung mabibigo ang halalan at walang maidedeklarang Presidente o Bise-Presidente, ang Pangulo ng Senado ang mamumuno sa pamahalaan. Mag-uumpisa ang panunungkulan niya sa ika-30 ng Hunyo. Ngunit kung magtatapos din sa ika-30 ng Hunyo, 1998 ang panunungkulan ng Presidente ng Senado, maaring pumili ang labingdalawang natitirang senador ng isang bagong Presidente ng Senado, na siyang magiging Pansamantalang Presidente.

*Bagaman malamang na hindi mabibigo ang halalan, mas makabubuti kung ang Senado ay maghahalal ng isang Presidente ng Senado na hindi magtatapos sa ika-30 ng Hunyo, 1998 ang panunungkulan.

Sign our Guestbook at About Us!

Main Menu

lens.jpg (15783 bytes)CHAPEL NET
Christian Action for Peaceful and Meaningful Elections
Loyola School of Theology, Ateneo de Manila University, Quezon City
Tel. No. 924-4951 local 3588, Fax No. 924-4442

chapelnet@usa.net

©  Copyright Chapel Net
All Rights Reserved 1998