|
GABAY SA HOMILYA Ika-26 ng Abril 1998 [Click here for English Version] Pakanin
mo ang aking mga Tupa Isa sa mga malakas at importanteng sipi ng Lumang Tipan ay ang mga propesiya ni propeta Esekiel laban sa mga pastol ng Israel. Kay Esekiel, ang "pastol" ay tumutukoy sa mga namumuno sa Israel. Sila ang mga natalagang puno na namamahala sa mga yaman ng bayan. Sila ang mga punong pulitikal. Ang mapait na daing ni Yahweh laban sa kanila ay ang pagsasawalang bahala nila sa mga tao, lalo ng ang mga mahihirap. Ang mga pastol, daing ni Yahweh, ay inuna ang kanilang mga pan-sariling interes (nais) at hindi ang interes ng mga tao, lalo na ang mga mahihirap. "Ah, kayong mga pastol ng Israel, na nagpapakain sa inyong mga sarili! Hindi ba ang pastol ang dapat na magpakain sa mga tupa? Kayo ang kumakain ng mga taba, isinusuot ninyo ang mga lana, pinatay ninyo ang mga pinatabang tupa; ngunit hindi ninyo pinakain ang mga tupa. Hindi ninyo pinalakas ang mga mahina, hindi ninyo pinagaling ang mga may sakit, hindi ninyo ginamot ang mga may sugat, ang mga naliligaw ay hindi ninyo ibinabalik, ang mga nawawala ay hindi ninyo hinahanap, ngunit sa pamamagitan ng dahas at lupit ay pinamunuan ninyo sila" (Esekiel 34:2-4). Ang mga hinagpis (daing) ni Yahweh ayon kay Esekiel ay matindi dahil sa maari itong gamitin sa ating mga sariling punong pulitikal. Para bang hangang ngayon si Yahweh ay dumadaing: Ah, kayong mga pulitiko ng Pilipinas na pinakakain ang inyong mga sarili? Hindi ba kayo ang dapat na magpakain sa mga tao? Kayo ang kumakain ng pagkaing masasarap, kayo ang mga nagsusuot ng mga damit na galing sa ibang bansa, pinapatay ninyo ang mga pinaka-matabang baka, ngunit hindi ninyo pinkakain ang mga tao. Hindi ninyo pinalakas ang mga mahihina, pinagaling ang mga may sakit, ginamot ang mga sugatan, ibinalik ang mga naliligaw. Kinamkam ninyo ang mga lupa ng mga mahihina, sinira ang kanilang mga tahanan. Kayo ay nabubuhay sa luho at kariwasaan, ngunit ang mga mahihirap ay pinamumunuan ninyo sa lupit at dahas. Ang damdamin ni propeta Esekiel ay tunay na madadama sa mga sulat ng mga obispo ng Pilipinas. Sa kanilang nagdaang "Pastoral Exhortation on Philippine Politics" sigaw ng mga obispo: "Ang pulitikang Pilipino kung papaano ito isinasagawa ay nakapagdulot sa atin ng matinding sakit bilang isang bayan. Ito na marahil ang pinaka-malaking karamdaman ng ating bansa at ang pinakamalaking perhuwisyo o hadlang upang makamit natin ang isang maunlad na kabuuang pantao [full human development]" (PEPP, par.5). Pinula ng mga obispo ang kulturang pulitikal na nahaluan na ng mga lason ng pagkakautang na pulitikal, punong-puno ng peste ng pagtangkilik ng mga pulitiko, ang makasalanang pagtanggap ng sahod bilang kabayaran sa katamaran at sa pagiging walang-saysay. Idinadaing ng mga obispo ang mga "trapo" na kilala sa kanilang mga walang laman na pananalita, pagsisinungaling, pagbili ng balota, paninira, kataksilan sa pulitika, malakihang pandaraya, maling pag-impluwensiya sa mga tao at sa kabutihan ng mas nakararami. Dito ang damdamin ng mga obispo ay damdamin din natin. Kay Esekiel, ang Panginoong Diyos, nakikita ang kanyang mga nagugutom at nagkahiwalay na mga tupa, na iniwan ng mga iresponsableng pastol ay nagsabing, "Ako mismo ang mag-aalaga sa aking mga tupa at magbabantay sa kanila titipunin ko sila buhat sa lahat ng lugar na pinangalatan nila. Ilalabas ko sila mula sa mga bansa at ibabalik sa kanilang sariling lupa. Dadalhin ko sila sa mainam na pastulan sa matataas na bundok ng Israel. Mamahinga sila kung saan sagana ang damo at manginginain sa luntiang mga burol ng Israel (Esekiel 34:2-16). Ang Panginoon mismo ang hahanap sa mga nagkahiwa-hiwalay na mga tupa; siya mismo ang magpapakain sa kanila. Ito ay pagmamalasakit para sa mga nawawala at nagugutom. Isang pangako na kanyang tutuparin bilang Mabuting Pastol, bilang Kordero, bilang Tinapay ng Buhay na pinaghati-hati para sa lahat, nagmamahal sa lahat. Ang katanungan ng Panginoon sa ebanghelyo ngayong araw na ito para kay Pedro at sa ating lahat ay simple lamang: Mahal mo ba ako? Sa bawat sagot ng Oo, nagbibigay ang Panginoon tungkulin: "Pakanin mo ang aking mga tupa. Pakanin mo ang aking mga kordero." Alagaan mo ang mga tao. Mahalin mo ang lahat ng tao. Lalong-lalo na ang mga mahina at marurupok na tao. Sa panahon ng eleksiyon, ang pagpapakain sa tao, ang pag-aaruga sa mga mahihirap ay nangangahulugang ang mga nahalal na puno ng pamahalaan ay angkop upang makapagbigay ng pagkain at mapagkaka-kitaan ng mga tao. Sa masalimuot na mundo, ang pakainin ang mga mahihirap ay hindi kayang magpatuloy sa pamamagitan ng mga paminsan-minsang mga abuloy; ang pag-aangat sa mga mahihirap ay hindi mangyayari sa pamamagitan lamang ng mga pangarap. Ang mga mahirap ay hindi rin matutulungan ng mga pangakong parang malikmata. Ang ibig sabihin ng pagmamahal sa Panginoon ay ang pagbuo ng isang produktibong lipunan na walang nagugutom, at ang lahat ay may silbi at kabuluhan. Kaalinsabay nito, sa ating Ebanghelyo, ang Panginoon ang nagsugo sa atin, siya ang naghahanda at nagpapakain sa atin, pinahintulutan niya na mapagpira-piraso ang kanyang sarili upang tayo ay mabigyan ng pagkaing magdudulot ng buhay na walang hanggan. Sa Pagkaing ito, tayo ay mabubuhay. Sa kanya, tayo ay inihahanda upang salubungin kahit na ang mga hamon ng darating na eleksiyon: piliin ang mga kandidato katulad ng pagpili ng Panginoon; pagsikapan na ang darating na eleksiyon ay magiging tapat, maayos at matahimik; ihalal ang mga lider pulitikal na hindi isusumpa ng Panginoon katulad ng pagsumpa niya sa mga pastol ng Israel mga pinuno na hindi ikahihiya ng Panginoon. |
News | Opinions | Voter's Education | Election Facts | Interactive | Chapelnet Update | About Us | Photos |
CHAPEL NET
Christian Action for Peaceful
and Meaningful Elections
Loyola School of Theology, Ateneo de Manila
University, Quezon City
Tel. No. 924-4951 local 3588, Fax No. 924-4442
chapelnet@usa.net
© Copyright Chapel Net All Rights Reserved 1998